MULING idinawit si Vice President Jejomar Binay ng bagong saksi sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall 2 parking building.
Inamin ni Mario Hechanova, dating hepe ng General Services Department ng Makati City, na bilang miyembro ng bidding and awards committee ng siyudad, ay tumatanggap siya ng P200,000 monthly allowance mula kay Binay nang ito ay alkalde pa upang “lutuin” ang bidding ng mga proyekto.
Ito ang isiniwalat ni Hechanova nang tanungin ni Sen. Antonio Trillanes IV kung nakatanggap ba siya ng kickback mula sa parking building project.
“Ni singkong duling wala po akong kinita diyan pero kami naman ho bilang bids and awards committee may natatanggap ho kami kay mayor na allowance buwan-buwan,” ani Hechanova.
Nang tanungin ni Trillanes kung si Vice President Binay ba ang pinatutungkulan niya, ang sagot ng resource person ay “yes”.
Nang muling tanungin kung magkano ang natanggap niya kay Binay, sinabi ni Hechanova na: ‘Halos P200,000.”
Nang muling tanungin kung para saan ang allowance, hirit ni Hechanova: “Siguro po para gawin lang namin ang dapat naming gawin, which ako on my part, ayusin namin ‘yung lahat ng bidding namin.”
Nilinaw ni Trillanes kung ang ibig ba niyang sabihin ay ang “pagluluto” sa bidding, ang sagot uli ni Hechanova ay “yes”.
Bago ito ay sinabi ni Hechanova na mayroong anomalya sa bidding ng parking building project, na sinimulang itinayo noong si Binay ay alkalde pa lamang noong 2007.
Nang tanungin ni Trillanes kung may anomalya sa proyekto, sinabi ni Hechanova: “Meron po.”
Idinagdag niya na bago simulan ang bidding ay tumawag ang city engineer, isang nagngangalang Morales, at sinabihan siya ng “Mario, gaya ng dati, alam mo na kung sino ang dapat manalo sa project na ito.”
Aniya maliwanag sa kanya na ang proyekto ay kailangang i-award sa Hilmarc’s Construction Corporation. Ang nasabing contractor ang nakakuha sa proyekto na nakumpleto noong 2013.
“So sa madaling salita, niluto itong bidding na ito para manalo ang Hilmarc’s, ganun po ba?” ani Trillanes.
“Totoo po ‘yun, niluto po namin,” giit ni Hechanova.
Idinagdag ng engineer na personal siyang kinausap ni Binay noon upang i-follow up ang pagbabayad sa mga cake, na ibinibigay sa mga senior citizen sa siyudad.
“Minsan po pinatawag po niya (Binay) ako sa opisina niya at ang sabi niya sa akin ‘Mario ano bang nangayayari sa payment ng cake ni Nancy,’” aniya na ang pinatutungkulan ay si Sen. Nancy Binay, anak ng vice president.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.