Laro Ngayon
(The Arena)
2:30 p.m. Perpetual Help vs Lyceum
Team Standings: San Beda (8-2); Arellano (8-2); JRU (6-4); St. Benilde (6-4); Perpetual Help (5-4); Lyceum (5-4); Letran (4-6); EAC (3-7); San Sebastian (3-7); Mapua (1-9)
KINUHA ng Letran ang kanilang kauna-unahang winning streak sa 90th NCAA men’s basketball nang pabagsakin sa overtime ang host Jose Rizal University, 84-77, na ginawa kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Mark Cruz ay nagkalat ng 26 puntos at ang dalawang magkasunod na triples at apat na dikit na free throws sa limang minutong extension ang nagbigay-daan upang makakalas ang Knights sa naunang dikitang labanan.
Tinapatan ni Philip Paniamogan ang 26 puntos ni Cruz pero ang 24 puntos ay kinamada niya sa naunang tatlong yugto. Si Michael Mabulac ang nagdala ng laban sa huling yugto at ang kanyang pabandang buslo ang nagbigay ng 70-68 kalamangan sa huling 30 segundo.
Pero nawala ang depensa at nalibre sa ilalim si Jamil Gabawan para magtabla ang dalawang koponan sa regulation, 70-all.
May 21 puntos si Rey Nambatac at siya ang umiskor sa pagbubukas ng overtime bago sinundan ng mga tres ni Cruz para ilayo ang Letran, 78-70.
May 4-6 karta na ang Knights na naunang tinalo ang San Beda Red Lions, 64-53, habang natapos ang apat na sunod na panalo ng Heavy Bombers para sa 6-4 baraha.
Kasalo ng JRU sa ikatlong puwesto ngayon ang College of St. Benilde na nanaig sa Emilio Aguinaldo College, 83-76, sa ikalawang laro.
May 24 puntos si Paolo Taha at tatlo lamang sa 12 buslo ang kanyang naimintis habang sina Jonathan Grey at Mark Romero ay may 14 at 10 puntos at ang Blazers ay nanalo sa ikaanim sa huling pitong laro.
Iniwan ng Blazers ang Generals ng hanggang 22 puntos, 60-38, bago naisantabi ang tangkang pagbangon ng katunggali para ipalasap sa EAC ang ikapitong pagkatalo laban sa tatlong panalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.