Di nakalikas? ‘Wag isisi sa gobyerno | Bandera

Di nakalikas? ‘Wag isisi sa gobyerno

Susan K - August 22, 2014 - 03:00 AM

SA gitna ng panganib at pagnanais ng pamahalaan na maiuwi ng ligtas at buhay ang ating mga OFW sa Libya, meron pa rin mga puna at reklamo silang natatanggap sa mga kababayan na hindi kuntento sa pagsisikap ng ating gobyerno.

Gaya na lang ng email na natanggap natin mula sa isang OFW mula sa Libya na stranded ngayon sa Tunis. Anya, 80 raw sila at may at may limang araw nang nananatili sa isang hotel doon. Dinadalhan naman daw sila ng pagkain ng ilang embassy staff, ngunit apat na pasahero lang ang naisakay sa bawat araw na may commercial flight pabalik ng Pilipinas.

Kapag tinatanong nila kung kailan ang kanilang flight, tanging sagot sa kanila, wala pang booking. Baka sa Setyembre pa raw.

Dagdag pa ni kabayan, pakipukpok naman ‘anya ang mga tao sa gobyerno.

Hindi man nagsasalita ang mga opisyal ng ating pamahalaan, ngunit ramdam ng Bantay OCW ang hinanakit ng mga ito. Sa katotohanan pa nga, maging sariling mga buhay at kaligtasan nila, isinusuong na rin nila upang maiuwi ang mas marami pa nating mga kababayan hangga’t maaari.

Kahit nakapagpalista na ng kanilang mga pangalan, sa bandang huli’y uurong naman, Muli silang aaluin ng taong gobyerno para sa kanilang kaligtasan at maaari namang bumalik kapag naging normal na muli ang lahat.

Ngunit marami rin talagang matigas ang ulo nating mga kababayan—talagang gugustuhin na manatili roon.
Tuwirang binabalewala ng mga kababayan natin ang panawagan at deklarasyon ng pamahalaan kapag Crisis Alert Level 4 o Mandatory Repatriation na.

Noong idineklarang nasa Alert Level 3 at Voluntary Repatriation ang ipinatutupad, iilan lang ang tumugon. Merong ilang kumuwestyon pa rito at sinabi na bakit itinaas sa level 3 samantalang tahimik naman ‘anya doon.

May panunuya pang ginawa ang mga ito: Nagpapadala sila ng mga larawan ng mga pinasabog na gusali at mga sasakyan mula sa rooftop ng kanilang tirahan, mga eroplanong nasusunog, trak-trak ng mga sundalo, mga tanke at kagamitang pangdigma, at maging sila naman, suot ang helmet at naka-wacky pa ang mga kuha. Nagsasabi na OK pa sila.

Bale wala lamang sa kanila kahit Alert Level 4 na. Walang maramdamang sense of urgency. Dahil kasi nasanay silang binebeybi! Inaamo! Pinakikiusapang umuwi na! Ganyan ang kalagayan nila sa mga bansang kahit nagkakagulo na, wala lang!

Walang ibig-sabihin!

Kapag nagdeklara na ng Voluntary repatriation, dapat sumusunod na sila sa instruksyon na iyan. Habang hindi pa delikado at bukas pa ang mga airport.

Pero kapag Alert Level 4 na, maglilikas ang gobyerno sa loob ng 15 araw lamang.

Dapat namang magkumahog na ang ating OFW at walang mga kundisyon na diyan. Kaligtasan lang nila ang dapat isipin. At pagkatapos ng 15 araw, sarado na ang ating embahada o konsulado.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya sinumang hindi umuwi at nagpaiwan, wala siyang dapat sisihin kundi ang sarili niya. Kung uuwi siya, gastos niya dapat lahat. Kapag ganyan ang ating gagawin, maraming maisasalba… buhay ng mga OFW, buhay ng mga opisyal ng gobyerno at pondo ng pamahalaan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending