HINDI na kagulat-gulat ang aksidenteng nangyari sa MRT sa umpisa ng rush hour noong Agosto 13. Sa nakalipas na mga kolum natin at editorial, nilinaw natin kung paano nagbabadya ang malagim na aksidente, na huwag naman sanang ipahintulot ng Panginoon pero maaaring maganap dahil sa ganid at namumuhing tao. Sa madaling salita, ganid at muhi ang sanhi ng sunud-sunod na aksidente sa MRT.
Labis na kinamumuhian si Gloria Arroyo. Pero, meron nang ikinasang programa sa pagmamantine ng MRT, mula sa kompanyang may kakayahan at pruweba. Nang manungkulan ang tropang Aquino, at may lakas ng loob pang tumakbo pagka-pangulo ang talunang kaalyado, pinalitan ito ng kompanyang P600,000 lang ang puhunan, walang karanasan sa pagmamantine ng pero-karil, pero kikita ng milyones at bilyones mula sa arawang obrero, pasahero at taumbayan. Hanggang sa magkasabit-sabit na nang kumanta ang Czech ambassador, at unang idinawit pa ang kapatid ng butihing bugtong na anak na soltero nina Ninoy at Cory; na agad namang pinabulaan at nilinis.
Ang MRT ay pa-ngarap ni Ferdinand Marcos at isinakatuparan ni Fidel Ramos. Walang masamang tinapay. Sa maigsing panunungkulan ni Joseph Estrada at mahabang termino ni Gloria Arroyo, kahit sinong estudyante sa Mapua ang magrerekomenda na pa-litan na ang mga bagon. Bagaman iilan lamang ang tinatawag na “constant movable and moving parts” ng bagon, kabilang na ang abang turnilyo na hindi nakikita mula sa labas at itaas (mas marami ang movable at moving parts ng helicopter at kotse), sa dumaang termino nina Estrada at Arroyo ay kailangang palitan ang mga ito. Ang kaha ay kailangan na ring palitan dahil sa loob lamang ng apat na araw ay isang milyon na ang maaaring isinakay nito. Metal fatigue na ang kaha at pang-ilalim kaya’t ang buong bagon na ang dapat palitan.
Ang unang plano ng Dilawan ay segunda manong bagon, para raw mas mura. Mahilig talaga sa segunda mano, tulad ng pinagsawaang mga barko ng US Coast Guard. Ewan nga ba. Pati mga kilalang lalaki’t babae sa administrasyon ay mahilig sa segunda mano. At iniiyakan at pinanghihinayangan pa ang segunda mano na umayaw (umawit na lang sila ng “…oh it hurts to belong to someone else when the right one comes along. Boy Abunda, pasok).
Nang magreklamo ang taumbayan sa media na napakahaba ang pila ng pagsakay sa MRT, itong taga-Malacanang ay nagsabing sumakay na lang ng bus. At meron din palang kadugo ito, na pinayuhan pa ang nag-rereklamong mamimili sa palengke sa napakataas na presyo ng bilihin na tumawad na lang. Iyan ay katibayan na siya’y namumuhay sa nakalipas. O nakaririwasa na siya at di siya bumababa sa pusali para malaman ang tunay na pamumuhay ng mahihirap sa Tuwid na Daan.
Heto ang palitan ng salita ng tindera at mamimili sa palengke sa Santa Maria, Bulacan (lumayo naman tayo dahil parati na lang naririnig sa media ang Commonwealth Market, Nepa-Q-Mart, etc.): Suki (hindi naman siya suki), bili na. Ang mahal naman, P55, P45 na lang. Suki, P51 na ang puhunan, P53 na lang, at PINATAWAD na kita (sa iyong pagkakasala). Sa talipapa sa Barangay Tala, Caloocan: ang mahal naman ng manok mo, P155/kilo, namamaga pa sa iniksyon. Suki, mag-chicken sad (joy) ka na lang, may kanin ka pa. Sa talipapa sa Almar, sa tapat ng Puregold at Seven-11, alas 5:30 ng hapon: ang mahal naman, P160/kilo ng tilapia mo. Mas mapapamahal ka kung ikaw ang magsasagwan sa laot at manghuhuli ng tilapia.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Magnanakaw talaga ang Globe. Nagpadala ng Globe Postpaid Advisory at siningil ako ng P300 dahil nag-text daw ako ng roaming numbers, na hindi ko naman ginagawa. …6769
The worst case scenario is the ebola plague, which is mentioned in the Book of Revelations/Apocalypse. …2699
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.