Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UST vs UE
4 p.m. Adamson vs FEU
Team Standings: Ateneo (6-1); NU (5-2); La Salle (5-2); FEU (4-2); UST (3-3); UE (2-4); UP (1-6); Adamson (0-6)
SUMAKAY uli ang Ateneo Blue Eagles sa galing ni Kiefer Ravena para makaahon mula sa masamang panimula tungo sa 93-91 overtime panalo sa host University of the East Red Warriors sa 77th UAAP men’s basketball kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumapos si Ravena taglay ang career-high na 38 puntos na sinangkapan ng 19-of-25 free throws. Siya ang nagpatabla sa regulation sa 80-all bago inako ang huling pitong puntos sa extension upang tapusin ng Blue Eagles ang first round tangan ang unang puwesto sa 6-1 baraha.
Ang pamalit na si Von Pessumal ay mayroong 19 puntos na kinatampukan ng 6-of-7 shooting sa 3-point line habang si Chris Newsome ay may 18 puntos, 9 rebounds at 5 assists.
Pinawi ng rookie center Arvin Tolentino ang pagkakaroon lamang ng tatlong puntos nang butatain niya si Roi Sumang bago kinuha ang mahalagang defensive rebound sa sadyang mintis ni Gino Jumao-as sa ikalawang free throw para makumpleto ang panalo.
May career-high na 30 puntos mula sa 12-of-26 shooting si Sumang bukod sa pitong assists at limang rebounds para sa host Red Warriors na nalasap ang ikaapat na sunod na pagkatalo matapos buksan ang kampanya tangan ang magkasunod na panalo.
Pinatunayan naman ng De La Salle University na kaya nila ang University of the Santo Tomas sa 83-70 panalo sa ikalawang laro.
Hindi natapos nina Kib Montalbo at Norbert Torres ang labanan bunga ng mga injuries pero humugot ang Green Archers ng 22 puntos kay Jeron Teng habang sina Julian Sargent at Jason Perkins ang nagsanib-puwersa nang manakot ang Growling Tigers sa 55-59 sa huling 8:49 ng laro.
May 5-2 karta ang Green Archers para saluhan ang National University Bulldogs sa ikalawang puwesto habang 3-3 ang record ng Growling Tigers.
Umarangkada ang Warriors sa 20-6 panimula at namumuro ang UE na manalo dahil hawak pa nila ang 73-58 kalamangan sa huling 5:55 sa regulation.
Pero nagpakawala ang Blue Eagles ng 22-7 run na tinapos ng basket ni Ravena para sa kauna-unahang overtime sa season.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.