SINADYA naming unahin ang “Once A Princess” kaysa sa ibang kasabayan nitong foreign films dahil gusto talaga namin ang tambalang Enchong Dee at Erich Gonzales. Bukod kasi sa magagaling umarte ay may chemistry ang tandem nila simula pa noong Katorse days nila.
Plus the fact na gusto rin namin ang direktor nilang si Laurice Guillen dahil halos lahat ng mga pelikulang ginawa niya ay magaganda talaga at maayos ang pagkakagawa.
Sayang lang bossing Ervin kasi iilan lang kami sa loob ng Cinema 4 ng Gateway cinema noong Miyerkules at inisip na lang namin na baka mas pinuntahan ng fans sina Erich, JC de Vera at Enchong sa block screening na ginanap sa SM The Block hapon ng Miyerkules at sa premiere night na ginanap naman sa SM Megamall kinagabihan.
Sana tangkilikin ang “Once A Princess” dahil maganda ang pelikula maski na medyo mabagal ang pacing ng kuwento sa umpisa – maayos ang pagkakalatag ng istorya base sa pagkasunud-sunod ng mga eksena nina Erin (Erich), Damian (JC) at Leonard (Enchong).
Magkakaklase sina Erin at Leonard sa Science subject at dahil matalino ang huli ay nagpatulong ang dalaga para pumasa, and at the same time ay pareho namang attracted sa isa’t isa ang dalawang bida. Naikumpara rin ni Erin si Leonard kay Damian na masyadong presko at feeling guwapo.
At nang yayain ni Erin si Leonard sa tabing dagat kung saan nila nalamang gusto nila ang isa’t isa ay hindi nila alam na ito na rin pala ang huli nilang pagkikita dahil kinailangang ipakasal ang dalaga kay Damian. Pero bago sila nagkahiwalay ay nabanggit pa ni Leonard kay Erin ang mga salitang, “You’re my anchor, you’re my compass and you’re my north star.”
Hindi mahal ni Erin si Damian pero kailagan niyang suklian ito ng kabutihan dahil sa nagawa nito sa pamilya niya pero dahil na rin sa iresponsableng asawa ang lalaki ay hindi niya ito natutunang mahalin.
Hindi kinaya ni Leonard na nawala na ang babaeng mahal na mahal niya kaya nagpakamatay siya sa dagat kung saan sila unang naligo pero kaagad naman siyang naitakbo sa ospital at habang comatose siya ay walang araw na hindi dumalaw si Erin hanggang sa nagkamalay siya pero nang makita niya ang babaeng naging dahilan ng kanyang pagpapakamatay ay sinabi niyang, “I don’t want to see her for the rest of my life!” kaya umiiyak na umalis si Erin hanggang sa anim na taon na ang lumipas.
Dito na magsisimula ang twist ng kuwento kaya hindi na namin ikukuwento para abangan ninyo kung ano ang magiging ending ng kanilang pagmamahalan.
Simpleng love story ang “Once A Princess” pero ang gagaling umarte ng tatlong bida kaya panalo ang pelikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.