Love Na Love wagi sa Hopeful Stakes | Bandera

Love Na Love wagi sa Hopeful Stakes

Mike Lee - July 27, 2014 - 03:00 AM

NAPIGILAN ng kabayong Love Na Love ang inasahang panalo ni Marinx nang dominahin ng una ang ikatlo at huling yugto sa 2014 Philracom Hopeful Stakes race kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Maagang naipuwesto sa pangatlo  ng hineteng  ni Fernando Raquel Jr. ang kabayong may lahing Quaker Ridge at Foolish Monarch  sa likod ng nangungunang  Marinx na hawak  ni Jessie Guce.

Nagbunga ang diskarteng ito dahil naubos si Marinx habang may sapat na lakas pa ang second choice na si Love Na Love para manalo ng kalahating dipa sa  karerang pinaglabanan sa mahabang 2,000 metro.

Sumali rin si Love Na Love  sa unang dalawang yugto ng serye at ito tumapos sa pangalawa at pang-apat na puwesto lamang.
Nagwagi sa unang dalawang  yugto sina  Malaya at King Bull.

Si Love Na Love, na lahok ni Hermie Esguerra, ay naorasan ng 2:11.2 sa kuwartos na 25, 24, 26, 26 at 28.Ang panalong ito ni Love Na Love ay nagbigay ng P600,000 kay Esguerra at mga koneksyon nito.

Nagwagi rin ng P50,000  ang breeder ni Love Na Love. Pumangalawa si Marinx at pumangatlo si  Misty Blue ni KB Abobo habang ang Good Connection na ginabayan ni Mark Alvarez ang pumang-apat.

Ang datingan ng iba pang kabayo ay Pax Britannica, That is Mine, Wo Wo Duck, Great Care at Real Lady. Samantala, pagtutuunan ng pansin ngayon ang takbong ipakikita ng Kid Molave sa ikatlo at huling yugto ng 2014 Philracom  Triple Crown Stakes Race.

Kailangan na lamang ng kabayong gagabayan ni John Alvin Guce na manalo sa karerang inilagay din sa 2,000 metro para tanghaling Triple Crown champion.

Ang mga kabayong pipigil sa pakay na ito ng Kid Molave ay ang Matang Tubig (CV Garganta), Kaiserslautern (AB Alcasid), King Bull (JB Hernandez) at coupled entry Kanlaon (V Dilema), Low Profile (MA Alvarez) at Macho Machine (FM Raquel Jr) at stablemate Mr. Bond (JT Zarate).

Halagang P1.8 milyon mula sa P3 milyong premyo ang nakalaan para sa mananalong kuneksyon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending