Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. Mapua vs St. Benilde
4 p.m. EAC vs Lyceum
Team Standings: San Beda (5-0); Arellano (4-1); Perpetual Help (3-1); San Sebastian (3-2); Lyceum (3-2); Jose Rizal (3-3); St. Benilde (1-3); Emilio Aguinaldo (1-3); Letran (1-4); Mapua (0-5)
KAKAPIT pa ang Lyceum Pirates sa unang apat na puwesto sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa pagbangga sa Emilio Aguinaldo College Generals ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ikatlong sunod na panalo at pang-apat sa anim na laro ang matutuhog ng Pirates kung mapadapa ang Generals sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Sasakyan naman ng St. Benilde Blazers ang buwena-manong panalo na nakuha sa huling laro para makabangon pa sa pagsukat sa nangungulelat na Mapua Cardinals sa ganap na alas-2 ng hapon.
Naipakita ng Blazers ang kakayahan na makipagsabayan sa liga nang pabagsakin ang Letran, 85-71, para tapusin ang tatlong sunod na pagkatalo na bumulaga sa koponan.
Kung pagbabasehan ang huling laro, paborito ang Blazers pero nakikitaan ng ibang laro ang Cardinals at minamalas lang sa endgame kaya’t hindi pa pumapasok sa win column.
Ang huling dalawang kabiguan na natamo ng Mapua sa kamay ng Lyceum at Arellano ay sa 3.5 losing margin lamang kaya’t hindi maaaring magkumpiyansa ang St. Benilde na pamumunuan nina Paolo Taha, Mark Romero at Jonathan Grey.
Galing ang Lyceum sa tagumpay sa Mapua, 80-78, at Jose Rizal University sa overtime, 84-80, at kung madugtungan pa ito ay iiwanan nila ang kasosyo sa 3-2 baraha na San Sebastian College Stags.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.