DAHIL sa mga iniindang injury nagdesisyon si Larry Fonacier na huwag nang maglaro para sa Gilas Pilipinas national team sa darating na FIBA World Cup sa Spain at 2014 Asian Games sa South Korea.
Dalawang taon nang iniinda ni Fonacier ang injury sa kanyang paa at likod pero kahit may dinaramdam ay isinuot pa rin niya ang pambansang uniporme at nakatulong sa pagsungkit ng silver medal sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship.
Ang ikalawang puwestong pagtatapos ng bansa sa nasabing kompetisyon ay nagbigay daan para makalahok sa FIBA World Cup ang Pilipinas.
“It is with deep sadness that we have to accept Larry Fonacier’s request to beg off from the Gilas pool for the meantime,” wika ni national coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account.
“Unknown to many, Larry has been playing through a variety of foot and back injuries that have bothered him the past two years and it is only his great dedication that has prevented him from taking any time off,” dagdag ni Reyes.
Para huwag nang lumala pa ang mga injuries na ito, nagpasya si Fonacier na sundin na lamang ang kanyang doktor at magpahinga.
“The rigors of playing almost non-stop in the PBA and national team for the past three years has taken its toll, leaving Larry with no recourse but to accede to his doctors orders for complete rest & rehabilitation,” ani Reyes.
Ang pambansang koponan ay aalis ngayon patungong Miami para sa dalawang linggong pagsasanay. Tutulak din ang koponan patungong Europe para sa ilang tune-up games bago tumungo ng Spain para sa FIBA World Cup na nakatakdang magbukas sa Agosto 30.
Bukod sa prestihiyosong torneo na ito, ang Gilas ay kakampanya rin sa 17th Asian Games sa Incheon, South Korea mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Malaking kawalan si Fonacier sa koponan dahil isa siya sa mga inaasahan ni Reyes sa depensa at clutch plays.
Sa pagliban ng 6-foot-2 na si Fonacier, may 16 manlalaro ang pool na pagpipilian para sa 12 manlalaro na maghahangad ng disenteng pagtatapos sa FIBA World Cup.
Hindi rin magiging problema kung sino ang ipapalit kay Fonacier dahil nasa pool si Paul Lee na nagpasiklab nang naglaro ang Gilas sa 5th FIBA Asia Cup na kung saan nauwi ng bansa ang bronze medal.
Maliban kina Fonacier at Lee kasama rin sa pool sina Jimmy Alapag, LA Tenorio, Jayson Castro, Jeff Chan, Gabe Norwood, Gary David, Ranidel Ocampo, Marc Pingris, Japeth Aguilar, June Mar Fajardo, Beau Belga, Jared Dillinger, Jay Washington at mga naturalized players na sina Marcus Douthit at Andray Blatche.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.