AABOT sa 10,000 pulis ang ikakalat sa Metro Manila para panatilihin ang seguridad sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa darating na Lunes.
Kabilang sa mga ikakalat ang tauhan ng iba-ibang unit ng National Capital Region Police Office, mga national support unit, at regional police offices, sabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, hepe ng PNP public information office.
Unang ikakalat ang mga civil disturbance management personnel ng NCRPO, habang yaong mga tauhan ng regional police offices ay naka-“standby” para agad maideploy kung kailangan, ayon kay Sindac.
Magpapakalat ng mga pulis para maiwasan ang anumang marahas na insidenteng maaring maganap at makagulo sa SONA, sabi naman ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima sa isang kalatas.
“To prevent the occurrence of violent incidents that may disrupt the conduct of SONA, there is a need for the PNP to intensify and sustain law enforcement, security, and public safety operations before, during, and after the event,” aniya.
Gaganapin ang SONA sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Kaugnay ng nalalapit ng talumpati ng pangulo, inaasahang dadagsa ang mga VIP na dadalo pati ang mga militanteng grupo na magsasagawa ng kilos-protesta.
Dahil dito, nagpatawag si Quezon City Police District director Chief Supt. Richard Albano ng pulong para sa community leaders, cause-oriented groups, media, at iba pang stakeholders sa Miyrekules.
Kabilang sa mga grupong inimbita sa pulong ang Gabriela, PMT, SAMAKANA, Sangkap, Sansalup, Alagad, ACT, Fight for the Masses, Kilusang Mayo Uno, PASANG MASDA, PISTON, SANLAKAS, at National Union of People’s League, ayon kay Albano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending