Dilaw, joke lang | Bandera

Dilaw, joke lang

Lito Bautista - July 21, 2014 - 03:00 AM

JOKE lang ito.  Kasi, ang sabi ng Malacanang, na tila boses ni Herminio Coloma na hinuhugot at nagmumula sa malalim na hukay ng sementeryo, ay joke din pagkalipas ng isa o dalawang araw na manawagan ang Ikalawang Aquino (sana’y wala nang Ikatlo, Ikaapat, Ikalima…), butihing bugtong na anak na lalaki nina Ninoy at Cory, na magsuot, iwagayway, isabit sa kotse, van, bus, SUV at/o kahit isa sa 30 limousine (hindi Hyundai Starex) sa bansa ang dilaw na laso (payelo-yellow ribbon pa kayo, na para kayong hilaw na Kano, eh lasong dilaw lang iyan!) bilang pagkampi, pagsang-ayon at pakiiisa sa soltero, na may dalawang meme na lang sa Palasyo ni Mr. Brown (teka, siya ba ang itinumba ni Glenda?  Masamang pangitain).
Ha-ha-ha.  Hu-hu-hu.  Tsk-tsk-tsk.  Nakatatawang joke.  Nakaiiyak na joke.  Ang kantiyaw nga ng mistulang haliparot na boses ng isang sikat na FM station sa radyo: joke yun?!  Ha-ha-ha. Hu-hu-hu.  Na ang ibig sabihin ay nakatatawang joke.  Na ang ibig sabihin ay nakaiiyak na joke dahil bukod sa kupas, laos at insulto, ang joke ay kauna-unahan na nagmula sa Malacanang, mula sa panawagan ni Aquino, na magsuot at ipagmalaki ang dilaw na laso, pero babawiin lang pala at sasabihin ni Coloma, na pinasusuweldo ng arawang obrero, ng taumbayan, na joke lang iyong ng pangulong naglalaro sa dulo ng kanyang mga daliri (games iyan, at huwag nang dagdagan ng kung ano pa!).
Naging matingkad ang lasong dilaw sa panahon ng ina ng soltero. Hindi iniluklok sa pinakamataas na puwesto ng taumbayan si Corazon, na tulad ng  ipinangangalandakan ng mga sipsip.  Si Corazon, ayon sa lahat ng international news agencies noong 1986, “was swept into power by the military.”  Iwinalis (kung iyan ang nais na salin) ng mga sundalo nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos si Corazon, o Cory, sa luklukan ng pangulo bilang tugon sa panawagan ng mga bansa na kasapi ng United Nations na dapat magkaroon ng kapani-paniwalang gobyerno ang Pinas pagkatapos lumayas, o sapilitang pinalayas, si Ferdinand Marcos.  Pero, sa pananaw nina Enrile, Gregorio Honasan at Reynaldo Cabauatan, maagang kumupas ang dilaw na laso ni Corazon.  Sa pananaw ng mga biktima ng brownout, maagang nasunog ang laso ni Corazon.  Sa pananaw ng arawang obrero, ng taumbayan, laos na ang dilaw na laso na nais buhayin ng soltero sa Malacanang, na nasa tabi ng umaalingasaw ng ilog.
Paano ipagmamalaki ang lasong dilaw kung patuloy na pinagnanakawan ang taumbayan (sa PDAF at DAP), na nasa pamamahala, kontrol at kapritso ng pangulong patuloy na kumikintab ang ulo?  Paano kakatigan ng Korte Suprema, at magsusuot na rin ng lasong dilaw, ang magarbo at mapangwaldas na paggasta ni Aquino sa pera mismo ng kanyang boss?  Paano mapagbabago ng lasong dilaw ang pag-iisip, pagtitimbang at kapasyahan ng Korte Supreme sa nakabimbing motion for reconsideration sa DAP (ang gandang pakinggan, motion for reconsideration, na kapag isinalin, ay panghahabol ng natalo)?
Paano magsusuot ng lasong dilaw ang Bangko Sentral na nakinabang sa DAP sa di maipaliwanag na kuwentas klaras?  Paano magsusuot ng lasong dilaw ang mga kawani ng People’s Television 4 na pinaiiyak ng matataas na sahod ng mga bagong salta, samantalang sila’y hindi na nabibigyan ng umento sa nakalipas na apat na taon at sapilitang isinama sa grupo na sinabihang “tiis-tiis muna”?  Paano magsusuot ng lasong dilaw ang araw-araw ay nagbabalyahang mga pasahero ng MRT at LRT?  Napaka-imposible namang ipagtanggol nila, at umawit ng papuri, si Aquino gayung itong supling ng malaking angkan ng mga politiko ang nagpahirap sa kanila bilang mga pasahero ng tren?
Teka.  Di ba’t napaliligiran ng mga komunista si Aquino?  At namudmod din siya ng pera sa Moro Islamic Liberation Front?  Kung nakinig si Aquino sa mga komunistang nakapaligid sa kanya, hawig ito sa payo kay Mao Tse-tung, at di kalaunan ay pinanindigan niya, na iwagayway ang Little Red Book habang sumasadsad, at isinusuka na ng taumbayang Intsik, ang Great Proletarian Cultural Revolution, na pumatay sa milyones na buhay ng mahihirap, lalo na ng magsasaka.  Inilunsad ni Mao ang Great Leap Forward, na ang ilang programa ay hawig sa “Kung walang korap, walang mahirap.”  At dahil nga sa kahiya-hiyang lasong dilaw, iyan ay naging, “Kung kami ang korap ay marami nga ang mahirap.”  Habang lugmok sa kahirapan ang China, banat nang banat si Mao.  Hawig ba?  Habang naghihirap ang Pinas, banatan ang Korte Suprema na ayaw tumalima sa suplina.
Sa ilalim ng tuwid na daan, bakit tayo nagkaganito?  Bakit hindi nakikita nang madalas si Aquino at ang humaharap sa taumbayan ay ang estudyanteng mga tagapagsalita?  Bakit tinatawag silang tangapagsalita ng mga komentarista sa radyo?
Bakit ni isang Cebuano, o Cebuana, ay ayaw magsuot ng lasong dilaw?  Di ba’t merong Malacanang sa Cebu?
Bakit tayo nagkaganito?  Nalaos na lasong dilaw!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending