Michael itinuloy ang show kahit bumabagyo
EARLY this week ay nabigyan na tayo ng babala tungkol sa pagbayo ni typhoon “Glenda” sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na nu’ng Miyerkules. In fairness sa PAGASA, na-mention nilang lalakas ang hangin at ulan bandang 9 a.m. hanggang 12 noon nu’ng Wednesday sa Metro Manila at tumpak naman sila.
Kasi nga, hindi ako gaanong nakatulog nu’ng Martes ng gabi dahil nagsimula nang bumuhos ang ulan at lumalakas na rin ang hangin. Bandang madaling-araw ay nagbadya na talagang rumagasa ang bagyo sa Quezon City kaya lumipat na ako ng higaan dahil unti-unti nang yumuyugyog ang kama ko dala ng malakas na hangin. Nakakaloka!
Lumipat ako sa sala namin and woke up the children sa kanilang room para makasiguro akong safe sila sakaling lalong lumakas ang hangin. At tama nga ang PAGASA dahil exactly 9 a.m. ay biglang lumakas ang hangin – as in sobrang lakas na pati ilang puno sa garden namin ay nagtumbahan at nagkabali-bali. As in eksakto ang oras nang sinabi nila – tumingin ako sa relo ng celfone ko, exactly 9 a.m. nga iyon. Galing ng PAGASA, di ba?
Di kami tumigil sa kadadasal na makaalis na ang salbaheng si Glenda. As early as 6 a.m. ay nag-brownout na sa amin kaya wala nga akong column kahapon dito, dahil hindi ako nakapagsulat at wala nga kaming kuryente. Bandang 5:30 p.m. na bumalik ang ilaw sa amin at sa awa ng Diyos, wala namang major destruction sa aming tahanan.
Mga paglipad lang ng ilang tarpaulins left and right ang naranasan namin, nasira bahagya ang kubo namin at bumagsak ang isang electric fan dala ng malakas na hangin. It’s alright, ang mahalaga ay walang nasaktan and safe lahat. Para ngang pelikula – yung kahit paano ay happy ending pa rin.
Nakakaloka ang ganitong uri ng bagyo. Kung iyon pa nga lang ay abot-abot na ang nerbiyos natin, what more ang nangyari sa Tacloban noong nanalanta si Yolanda – I can’t imagine the feeling. Baka namatay na ako sa nerbiyos.
From time to time ay nag-alala ako sa alaga kong si Michael Pangilinan na sinamahan ni Dominic Rea sa Ozamis City, meron kasi siyang performance doon last Wednesday. Makakasama dapat niya ang Kamikaze at Mocha Girls kaya lang ay na-cancel ang flights ng ibang artists dahil grabe nga ang bagyo. Si Michael kasi ay pinalipad na nila last Tuesday pa para makapag-rehearse with the band. Ang ending, itinuloy nila ang event nila with only Michael as their special guest performer at sa awa ng Diyos, parang bagyo ring dinumog si Michael sa Ozamis City.
“Nu’ng simula pa lang ay may tumugtog na band, front act ni Michael. Bumuhos ang ulan pero hindi umalis ang mga tao dahil ang mga public officials ay hindi umalis sa harap ng stage. Nang tawagin na si Michael ay tahimik ang lahat – parang wala lang pero nu’ng bumaba na siya sa van at umakyat ng stage, nag-pandemonium na at dinumog na siya ng tao. Natapilok pa yata siya,” kuwento ni Dominic Rea na siyang naka-close guard sa anak-anakan namin.
“Kinabahan nga ako nu’ng tinawag na ang pangalan ko. Wala kasing pumansin. Akala ko magpa-flop ako dahil hindi ako kilala ng mga tao nu’ng una. Parang wala lang silang narinig. Pero nang paakyat na ako sa stage, nagulat ako sa sobrang lakas ng hiyawan at talagang halos hindi ako makaakyat sa stage dahil maraming humihila sa akin,” ani Michael na nabuhayan ng loob nang makitang natuwa ang mga tao sa kanya.
“Ganoon pala ang feeling pag dinudumog ka na, ‘Nay. Ha-hahaha! Lalo akong ginanahan sa pag-perform. Sarap ng feeling. Iyon nga lang, after ng performance ko, bumabalik sa alaala ko ang pamilya ko na sinalanta nga ng bagyo dito sa Q.C.
“Pero nagkakausap naman kami nina Mama from time to time and she assured me na okay naman sila. Ang hirap kayang mag-perform habang nag-aalala sa mga mahal mo sa buhay.
“Mabuti naman at nakabalik kami kaagad dahil meron akong video shoot sa Star Records kahapon ng 5 p.m.. Mabuti at wala ng bagyo kaya nakabalik kami ng Thursday morning,” ang medyo magkahalong kaba at sayang kuwento ni Michael.
Itong video shoot for Michael ng Star Records ay part ng kaniyang pagkasali as one of the 15 interpreters sa nalalapit na Himig Handog songwriters’ competition na gaganapin sa SM MOA Arena come Sept. 28 this year.
He will be interpreting the composition of last year’s grand champion Joven Tan. Mapalad na napili si Michael to interpret the very beautiful and controversial song. Just sit back and relax and very soon ay maririnig niyo na ang kaniyang kanta.
“Nang ibigay sa akin yung song, napaigtad ako nang bahagya sa kinauupuan ko pero nang mabasa ko ang lyrics at marinig ko ang tunog, nagustuhan ko agad. Ganda. Hayun, na-record ko na, ang ganda ng kinalabasan. Sana magustuhan ninyo,” pakiusap ni Michael sa kaniyang mga supporters na nakahanda nang bumoto para sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.