Sa isang sulok ng Lungsod ng Bacoor ay matutunghayan pa rin ang mga kinagisnang lutuin na matatagpuan lamang sa mga masikip na eskinita at sa mga tahanan na pawang ang mga magkakapit-bahay lamang ang nakakaalam.
Itinuturing ang Bacoor na isa sa mga progresibo at urbanisadong lungsod dahil ito ang kauna-unahang bayan ng lalawigan ng Cavite na nasa hangganan ng Metro Manila.
Karamihan ng mga sinasakang bukid ay ginawa ng mga tirahan at nagtayo na rin dito ng mga naglalakihang malls at mga pabrika.Ngunit kung mapapadaan ka sa Calle Real o sa lansangan na papunta sa lumang munisipyo– na tila paliit nang paliit ang lapad ng mga kalye, lalung-lalo na sa mga barrio o barangay sa tabi ng baybay-dagat–parang hindi ito nagbago sa mga nagdaang panahon.
Habang naglalakad kami sa makitid na eskinita ng Sineguelasan, kasama ang aking mga kaibigan na sina Dr. Manuel Pastor Marquez at Reynaldo Fajutnao, mga kamiyembro ko sa Cavite Historical Society, napansin ko na ang mga taong nakasalubong namin ay pawang magkakakilala.
Ang Sineguelasan ay isang maliit na barangay sa Bacoor na sikat dahil sa kanilang fish port at bagsakan ng tahong at talaba. Kaya Sineguelasan ang tawag dito ay dahil maraming puno ng sineguelas na nakatanim dito noong unang panahon.
Ngayon, imbes na puno ng sineguelas ay mga duhat, banalo, bakawan at kalapinay ang nakatanim dito. May kwento nga si Dr. Manny tungkol sa isang matandang babae na nakaupong maghapon sa isang papag sa loob ng gola (isang bahay kubo na bukas ang harapan na nakatayo sa tabi ng kalye na ginagawang tambayan), na alam ang mga bawat kaganapan at tsismis sa mga taong nagdaraan sa kanyang harapan.
Bawat taong dumadaan ay tinatanong niya kung saan ito nanggaling o saan ito papunta o ano ang pakay nito o sumasagot sa tanong na “Kumusta ka, anong balita?” Kaya pagdating ng hapon ay marami na siyang nakalap na kwento na kanyang naikalat na rin!
Iyan ang buhay sa isang maliit na barangay. Wala kang maitatagong sikreto. Ngunit bakit walang balita tungkol sa kanilang pagkain? Sa tinagal-tagal ng aking pananaliksik, ngayon ko lang natuklasan ang panara.
Siguro dahil nagluluto lamang sila para sa kanilang sarili at komunidad, dahil sila-sila lamang ang nakakatikim at nakakakain nito, at kung dayo ka, tulad ng nakararaming mamamayan ngayon ng Bacoor, tiyak ay hindi mo ito malalaman.
Nagtungo kami sa tahanan ni Gng. Emma Barron Burgos sa Sineguelasan upang matikman ang ipinagmamalaki niyang panara.
Sa harap ng kanyang tahanan ay isang maliit na sari-sari store at isang mesa kung saan nagbebenta siya ng mga nilutong ulam tulad ng lumpiang sariwa, menudo, kare-kare at panara.
Gumagawa rin siya ng ukoy, na ang tawag nila ay “caramba” at “koboy” na isang panghimagas na may minatamis na pulang munggo, binalot sa pambalot ng lumpia saka iprinito.
Katuwang sa tindahan ni Aling Emma ay ang kanyang manugang na si Jen at ang kanyang anak na si Diana. Maaga pa lamang, abala na sila sa pagbebenta ng ulam na kanilang niluto. Halos may 50-taon na ring nagluluto si Aling Emma at mayroon na rin silang maliit na catering business.
Ngunit ang kanyang specialty ay ang panara, kung saan ang hilaw na papaya ay hinaluan ng kaunting giniling na karne ng baka saka ginisa sa sibuyas at bawang sa mantikang may atsuete.
Sa aking palagay, ang salitang panara ay nanggaling sa salitang empanada, na naging panada, at sa tagal ng panahon ay naging panara. Dahil napansin ko sa wikang Tagalog, lalo na sa Cavite, ang titik “R” ay nagiging titik “D” ang pagbigkas at nagsasalit-salit ito depende kung sino ang nagsasalita.
Isang halimbawa ay ang salitang “ragat”, ang tawag sa mga taga-Sineguelasan ng mga taga-kabilang barrio dahil sila ay nakatira malapit sa “dagat”. Gayun din ang bayan ng Bacoor, ang mga sinaunang tao ang tawag nila dito ay Bacood.
May isang bayan din sa Kawit na ang pangalan ay Marulas, na ang pinagmulang salita pala nito ay “madulas”. Hindi na iba ang panara sa panlasa at lutuing Pilipino, dahil ayon sa batikang food writer, artist at chef na si Claude Tayag, “Kung sa Bulacan, Pampanga, Bacolod o Cavite pa man, ang panara ay isang uri empanada na nilahukan ng gulay na tulad ng hilaw na papaya, toge o sayote.
Samantala ang empanada naman ay nilahukan naman ng baboy o manok.”Maaaring umorder ng panara mula kina Aling Ema sa 383 Miranda st., Sineguelasan, Bacoor, Cavite. Tikman naman ninyo ang bersyon nila.
Kung may katanungan o mungkahi, magtext po lamang sa 09175861936, isulat ang pangalan, edad at lugar.
Panara
Makakagawa ng 10 piraso
Sangkap
1kg hilaw na papaya, ginayat ng pino
250g giniling na karne ng baka
100g hibi, ibinabad sa isang tasang tubig
24g kintsay, tinadtad
1 ulo ng bawang, pinitpit
2 sibuyas, tinadtad
2 itlog, binate
2 kutsarang arina
asin at paminta, ayon sa nais
atsuete oil, panggisa
20 piraso, pambalot ng lumpia
Paggawa
Igisa ang bawang, sibuyas sa atsuete oil. Isama ang giniling na karne ng baka. Lutuin ito nang 10 minuto saka isama ang hibi. Ihalo ang ginayat na hilaw na papaya. Lutuin pa ito nang 10 minuto.
Huwag pabayaang lumambot ang papaya dahil mas masarap kung ito ay malutong. Ilagay ang binating itlog at ibudbod ang arina saka haluing mabuti. Kapag hindi na masyadong basa ang itlog, luto na ang palaman ng panara.
Magkanaw ng isang kutsarang arina sa apat na kutsarang tubig. Isa-isangtabi. Gagamitin itong bilang pandikit. Maghanda ng dalawang patong ng balat ng lumpia.
Maglagay ng tatlong punong kutsara ng palaman sa kalahating parte ng pabalat. Punasan ng kinanaw na arina ang gilid ng pabalat saka itupi ang kalahating bahagi upang matakpan ang palaman.
Tupi-tupiin ang gilid nito at upang maselyado nang mabuti upang walang lumabas na palaman sakaling prituhin na ito. Mag-init ng mantika sa kawali saka ito prituhin hanggang ito ay maging ginintuan ang kulay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.