Mga Laro Bukas
(The Arena)
2 p.m. Arellano vs EAC
4 p.m. JRU vs St. Benilde
Team Standings: San Beda (2-0); Perpetual Help (2-0); San Sebastian (2-1); Arellano (1-0); EAC (1-0); Lyceum (1-1); St. Benilde (0-1); Jose Rizal (0-2); Letran (0-2); Mapua (0-2)
NAGPATULOY ang magandang laro mula sa mga beterano para kunin ng Perpetual Help Altas ang kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa San Sebastian Stags, 82-79, sa NCAA Season 90 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City,
Si Earl Scottie Thompson ay naghatid ng 26 puntos, kapos ng isang puntos para pantayan ang ibinigay sa koponan nang nagwagi sa Mapua habang sina Harold Arboleda at Juneric Baloria ay mayroong 19 at 18 puntos.
Malaking papel din ang ginampanan ni Ric Gallardo sa panalo dahil naghatid siya ng isang block at umiskor sa tatlong mahahalagang puntos para makabangon ang Altas mula sa 77-79 iskor.
“Matiyaga at masipag ang batang iyan,” wika ni Altas coach Aric del Rosario kay Gallardo na mula Marivelles, Bataan. Ang panalo ay nagresulta para saluhan ng Altas ang San Beda Red Lions sa unang puwesto habang ang Stags ay nakalasap ng unang pagkatalo matapos ang dalawang sunod na panalo.
Si Jamil Ortuoste ay mayroong 22 puntos habang sina Bradwyn Guinto at Jovit dela Cruz ay naghatid ng 18 at 16 puntos para sa Stags na bumangon mula sa 13-31 panimula.
Tila mananalo pa ang Stags nang hawakan ang 79-73 kalamangan pero bumigay ang kanilang depensa para mabigo sa laro.
Nagsanib sa anim na puntos sina Arboleda at Thompson bago ipinaubaya kay Gallardo ang mga krusyal na puntos.
Ang defensive stop ni Gallardo ay naging transition basket para kay Thompson upang magtabla ang dalawang koponan sa 79-all.
Sa sumunod na play ay nakuha ni Gallardo ang offensive rebound sa sablay ni Thompson para makalamangan uli ang Altas bago tiniyak niya ang panalo sa split sa isa pang play.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.