ANG pangunahing krimen ay sana’y napigilan nina JPE (Juan Poncen Enrile), Bong Revilla at Jinggoy Estrada. Pero, hindi nga nila pinigilan ito. Bagkus, ang pagpapatalsik kay Renato Corona nang walang dahilan kundi, sa salita ng tiwaling mga mamahayag, ay “bayad na,” ay “Naganap na,” isa sa binigkas sa Siete Palabras, na pinagnilay-nilayan din naman noong nakalipas na Biyernes Santo ng mga Dominicano sa Santo Domingo. Bayad na at naganap na. At dahil sa bumaha ang pera sa pagpapatalsik kay Corona, na pera ng arawang obrero at taumbayan, ito’y krimen sa mata ng mahihirap dahil sila ang biktima ng malakihang pagnanakaw.
Ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng bigas, na malinaw na hindi sinasawata ng Ikalawang Aquino, ng dobleng kalihim ng agrikultura na sina Proceso Alcala at Francis Pangilinan, ay maituturing na krimen sa mahihirap at nagugutom. Malinaw ang sinasabi ng Ebanghelyo: Pakainin ang nagugutom at painumin ang… Hindi kakain ang mahihirap dahil hindi na nila abot-kaya ang presyo ng bigas nina Aquino, Alcala at Pangilinan. Ang sabi ni Pangilinan ay meron naman daw bigas-NFA, na ngayon ay binansagan nang No Food Again (totoo naman, dahil wala na namang pagkain). Sa Ebanghelyo, kasalanan ang pabayaan ang kawan. Isa nga lang ang nawalay ay hinanap ito ni Jesus at iniwan ang kawan para lamang mabawi ang isang nawawala. Pero, hindi ganito ang naganap. Iniwan na nga ang mahihirap, pinabayaan pa silang magdusa. At habang nagdurusa ang mahihirap, sinabihan pa ito ni Herminio Coloma na “tiis-tiis” lang. Walang sinabi ang Ebanghelyo na “tiis-tiis” lang sa mahihirap, bagkus ang mahihirap ang pinakamalapit sa puso ng Jesus. Ang pabayaang magutom ang mahihirap, lalo na sa Samar at Leyte, ay krimen na maituturing, at malaking kasalanan sa Diyos.
Kung ang batas ay malinaw na krimen ang pandarambong at pagnanakaw ng pera ng taumbayan, piling-pili lamang ang nilalapatan nito, pero ang papuring sapilitang hinahagod ay pangkalahatan. Kaya naman nabubulyawan at nasisigawan na ang anak nina Ninoy at Cory habang siya’y nagsasalita sa taumbayan sa labas ng kanyang kaharian. Krimen sa batas ng tao at Diyos ang pagnakawan ang mahihirap, pero hindi ito inilalapat sa kanyang mga kakampi. Kung hihiramin ang salitang SONA, saan kaya humuhugot ng kapal ng mukha?
Krimen din ang walang humpay na smuggling sa Aduana, sa pangunahing mga pantalan, at maging sa paliparan. Krimen din ang pagsasawalang-bahala at pagpapabaya habang 24 oras na nagaganap ang smuggling sa mahabang panahon ni Ruffy Biazon, kaalyado ni Aquino. May batas kontra smuggling pero hindi ito inilalapat sa mga kakampi, napakaraming kakampi. Kapuri-puri ang hayagan at marahas na banta ni Rodrigo Duterte sa mga smugglers, kakampi man sila ng gobyernong Aquino, na nangangamoy na sa dalawang meme na nalalabi. Pinalitan si Biazon pero patuloy pa rin ang smuggling; at kung gayon, tanga na lang ang maniwala na si Biazon ang dahilan sa talamak na smuggling. Malaking krimen ang smuggling, na dumarami pa.
Sa simula ng gobyernong Aquino, ang bilang ng krimen sa kalye ay hindi huminto. Bumungad pa nga ang walong namatay sa Luneta hostage, at maraming sugatan. Hindi binibilang nina Aquino at Nicanor Bartolema ang nagaganap na krimen. At mas lalong hindi nila binibilang ang napakaraming krimen na hindi na iniuulat sa pulisya, tulad ng panghahablot at panghoholdap ng cell phone, atbp. Madaling sabihin na hindi na ito bibilangin, dahil hindi naman ito iniulat. Pero, malinaw na palusot iyan ng mapagpanggap na liderato’t gobyerno.
Matagal na itinago nina Aquino at National Police ang katotohanan na mataas ang bilang ng krimen. Habang marami ang binabaril sa kalye (nakapagtala ang Metropolitan Manila Development Authority at Volunteers Against Crime and Corruption ng walo kataong pinatay sa isang araw sa Commonwealth ave., pa lamang sa Quezon City), ayaw maniwala nina Aquino at Alan Purisima, at patuloy ang pagyayabang ng hepe ng PNP na mababa pa rin ang bilang ng krimen. Hanggang sa dumating ang araw na mismong Malacanang na ang nagsabi na mataas ang bilang ng krimen, bagaman wala itong inilabas na estadistika. Simula’t sapul, ang paninindigan ng pahayagang ito ay mataas ang bilang ng krimen, dahil ilan sa mga kawani ng Inquirer Group sa Chino Roces ave., sa Makati ang hindi na nagsumbong sa pulisya pagkatapos silang maholdap at mahablutan ng mga cell phone at iba pang gamit. Sa Bagong Silang sa Caloocan, ang pinakamalaking barangay sa buong bansa, mababa ang bilang ng krimen sa police blotter, pero triple ito sa bilang ng krimen at reklamo na natatanggap ng barangay at sumasampa sa Lupon Tagapamayapa. Para sa pulisya, tahimik pa rin ang Bagong Silang habang araw-araw ay pila ang inililibing sa sementeryo; at napakarami ang punerarya at opisina ng punerarya sa Kaliwa at Kanan ng Barangay Bagong Silang.
Ang pagbubunyag lang pala ng Malacanang na mataas na ang bilang ng krimen pagkatapos mapatay ang mayayaman sa kalye at otel ang makapagpapaamin sa PNP na mataas na nga ang bilang ng krimen. Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw, kaya kriminal pa rin. Ayon sa PNP, halos (may halos pa) 18% ang itinaas ng bilang ng krimen sa unang limang buwan ng 2014.
Pasumpa-sumpa ka pa, aamin ka rin pala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.