ISINAKAY, at ibiniyahe na, ang arawang obrero, ang taumbayan at walang trabaho sa usaping pork barrel scam. Sa nakalipas na sanlinggo, isinisiksik sa lalamunan ng mahihirap si Bong Revilla. Pinag-aralang maging serye ng nasa poder, sa pakikipagsabwatan na rin ng mga hukuman, maliban sa hukumang binagsakan ng kaso kontra Juan Ponce Enrile, na natatameme sa hamon ng de kampanilyang abogado ng depensa na basahin ang bawat pahina ng demanda, na mahigit 9,000 dahon, ‘ika nga sa sinaunang paglilitis.
Habang nakasakay sa tsubibo, at ipinaghehele ng indayog ng paikut-ikot na biyahe, sa saliw ng tugtuging nakaaantok at di masigla, mapipilitang makalimutan ng taumbayan ang tunay na problema na lalong nakalulugmok sa kanya sa hilahod at labis na kahirapan. Ang pagkakabilanggo ba kay Bong Revilla, na may pinahirapan na ring mga mamamahayag sa Cavite habang hawak ang poder, ay makatutulong para madagdagan ang kakaramput na perang sahod ng minimum wage para makabili ng napakataas na presyo ng bigas? Ang pagkakabilanggo ba kay Bong Revilla ay makabibili ng lugaw bilang almusal sa susunod na isang buwan (kung kukuwentahin, malabnaw na lugaw sa kanto na lamang ang paraan para mapalawig ang kakaramput na suweldo at bahala na si batman sa tanghalian at hapunan, di kasama ang dalawang meryenda na puwede nang ipagpaliban sa maliit na asul na supot ng pisong mani)? Lugaw na may itlog ang almusal ni Bong Revilla. Aba’y napakasuwerte pa ni Revilla dahil ang kanyang lugaw ay may itlog, ang almusal na binayaran pa rin ng taumbayan. Ang almusal ng mahihirap ay lugaw na lang at walang itlog. Wala na ring bawang at sibuyas.
Lunud na lunod na ang taumbayan sa panlilibang, panliliko sa tunay na mga isyu ng Malacanang. Habang ibinabaling sa teleserye sa direksyon ng Malacanang ang buong bansa, hindi nakikita ng taumbayan ang Ikalawang Aquino at marami pa niyang mga opisyal na dapat sana’y haharap at aasikaso sa problema ng mahihirap. Huling nakita ng taumbayan ang anak nina Ninoy at Cory noong nakaiinsultong Araw ng Kalayaan (hindi naman lumaya ang mahihirap, kailanman, at maging si Jose Rizal ay hindi naman ipinaglaban ang mahihirap, ang limpiya-bota, ang magsasaka’t mangingisda). Pagkatapos noon ay hindi na nakita si Aquino, nagtago na at bisibisihan sa moog ng mabahong Pasig. Sumambulat ang presyo ng bawang, na umabot ng mahigit P300 bawat kilo, pero hindi hinarap ni Aquino ang nagdurusa. Wala rin sa eksena si Proceso Alcala at ipinasa sa makinarya ng kanyang ahensiya ang reaksyon, hindi solusyon; kesyo inaalam pa kung may kartel ng bawang (susme naman, may 10 ten-wheeler na bawang na ba ang bumibiyahe araw-araw sa Metro Manila) ang puwedeng sisihin sa pagsirit ng presyo; inaalam pa kung may demonyong mga middlemen na nagmamaneobra para likhain ang labis na kakulangan at itaas ang presyo sa mahigit P300, etcetera-etcetera.
Habang nagtatago at bisibisihan si Aquino, pinatay ang race car driver at hotelier. Mayayaman ang mga ito; ang hotelier ay bilyonaryo at inamin na ng Malacanang na tumaas na nga ang bilang ng krimen sa ilalim ng pamumuno ng Palpak Na Purisima (PNP). Teka. Nang ihayag at aminin ng Malacanang ang mataas na bilang ng krimen, dalawa o apat na linggo nang hindi isinasama ni Aquino si Purisima sa mga lakad, at wala na ring papuri kay sima ang DILG (Daming Ilegal sa Local Government, isa na riyan ang dedmang jueteng, di ba, Rico Puno?).
Nagtatago at bisibisihan si Francis Pangilinan pagkatapos payuhan ng Malacanang ni Aquino ang mahihirap na “tiis-tiis” na lang sa dagdag presyo ng bigas na P2 bawat kilo (hindi P2 bawat kilo ang dagdag-presyo ng bigas sa mga palengke sa Phase 1, Phase 5 at Phase 9 ng Bagong Silang [Caloocan)] ang pinakamalaki at pinakamalawak na barangay sa bansa; sa barangay Payatas A at B, Holy Spirit, Commonwealth, Litex at Batasan Hills sa Quezon City ni Bistek na ayaw umibig kay Kris; sa Baseco at Isla Puting Bato sa Maynila). Di ba’t si Pangilinan, na asawa ni Sharon at tagapagligtas ng kriminal na mga menor de edad, ang itinalagang mangangalaga sa seguridad ng pagkain ng mahihirap?
Tulad ni Pangilinan, nagtatago at bisibisihan na rin si Panfilo Lacson, na itinalagang rehabilitation czar para sa mga binagyo ni Yolanda. Hindi pa nakababangon ang Eastern Visayas at mga bayan sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), lalo na ang mga mangingisda mula sa hagupit at delubyo ng bagyo, tandaan mo iyan Lacson. At habang bisibisihan ka sa rehab ay bigla kang lumiko sa pork barrel scam at tangan umano ang isa pang listahan ni Janet Napoles. Susme naman, malayo na iyan sa kapakanan ng mahihirap. Baka hindi mo pa alam, si Aquino pa lamang ang nakikinabang sa kasusurot ng pork barrel scam at hindi ang mahihirap.
Pang-SONA iyan ni Aquino at walang pang-SONA ang arawang obrero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.