Rita Avila walang ipinagkaiba sa mga drayber at sabungero
Tinawagan kami ni Rita Avila nu’ng isang araw. Kasalukuyang inililibing ang aming tiyahin nang matanggap namin ang kanyang tawag ng pasasalamat dahil sa inilabas naming reaksiyon-pagdedepensa sa kanya ni Direk F.M. Reyes tungkol sa kuwento ng kanyang mga manyikang sina Mimay, Popoy at Pony.
Ayon kay Rita ay ngayon lang nagsalita ang kanyang mister, sa pinakamahabang panahon ay nanahimik lang ito sa mga tinatanggap niyang panglalait at pagdududa ng ibang tao tungkol sa sobra-sobrang atensiyong ibinibigay niya sa kanyang mga manyika, ikinagulat din niya ang pagla-labas ng emosyon ng kanyang asawang direktor.
Nu’ng una naming marinig ang mga kuwentong sangkot ang mga manyika ni Rita Avila ay nakaramdam kami ng awa para sa aktres. Kung totoo na ang dahilan nu’n ay sobrang depresyon dahil sa pagkawala ng kanilang anak ni Direk F.M. Reyes ay mas nag-iimbita ‘yun ng pakikisimpatya, bigla naming naalala ang doktor naming anak na nang mamatayan ng aso ay walang patlang ang naging paghagulgol, parang isang miyembro ng pamilya namin ang namatay dahil sa kanyang pagtangis.
Ang kuwento tungkol kay Rita Avila at sa kanyang mga manyika ay hindi pinagtatawanan, lalong hindi dapat maging behikulo ng pangungutya, inuunawa ang ganu’ng klase ng emosyon na may pinanggagalingan.
Nilalaro-kinakausap ng anak naming si Bulak ang kanyang mga manyika. Naririnig naming kinakausap nito ang kanyang mga laruan. Katabi pa ni Bulak ang mga manyika nito sa pagtulog. Luka-luka ang aming anak?
Magkalayo lang ang kanilang edad ni Rita Avila, pero iisa lang ang kanilang emosyon, ang pagmamahal sa walang buhay na manyika na itinuturing nilang bahagi ng kanilang kaakuhan.
Ang pagmamahal sa iba’t ibang tao, hayup o bagay ay walang pinipiling edad at panahon. Bakit ba pinatutugtugan ng matatanda ang kanilang mga halaman?
Bakit ba kinakausap ng mga drayber ang makina ng kanilang sasakyan para hindi sila itirik sa daan? Bakit ba kinakausap ng mga sabungero ang mga tinali nilang manok-panabong kapag malapit na ang laban?
Walang iniwan ‘yun sa mga manyika ni Rita Avila. Matagal na nilang kasama ni Direk F.M. Reyes ang kanilang mga manyika, itinuturing na nilang miyembro ng kanilang pamilya ang mga binili nilang laruan, emosyon nila ‘yun na hindi natin dapat pagtawanan at lalong hindi dapat kutyain dahil ang pagpapalutang ng pagmamahal ay walang pinipiling uri, estado at panahon kung kailan natin ikakalat sa mundo.
( Photo credit to EAS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.