Kris matagal nang ‘pinaglalamayan’, damay sa kanegahan ni P-Noy
Nakakaawa rin si Kris Aquino kung tutuusin. Kapag pinag-ipon-ipon ang mga negatibong komento tungkol sa kanya at kung nakamamatay ang mga salitang ‘yun ay matagal na sigurong pinaglalamayan ang aktres-TV host.
Grabe ang mga umuupak sa kanya, talagang nakakapanginig ng kalamnan ang mga paglalarawan at bira sa kanya ng mga kababayan natin, puwede kayang mangyari na ang pagkagalit ng mga Pinoy sa kanyang pangulong kapatid ay nababaling din sa kanya?
Kapansin-pansin kasi na kapag binibira si Kris ay kakambal din ang pag-upak kay Pangulong Noynoy, kung ano-anong kuwento ang ginagawa ng mga nagagalit sa kanila, walang katahimikan ang kanilang buhay.
Kumanan at kumaliwa si Kris ay mahuhulog siya sa tulay, walang nakikitang maganda sa kanya ang mga kababayan natin, mabuti na lang at marami ring naaaliw sa kanya na bumabalanse sa sitwasyon.
Pero tama ang obserbasyon ng mga nakakausap namin na si Kris din ang dapat sisihin sa mga tinatanggap niyang pagtuligsa ng ating mga kababayan dahil siya rin ang nagbubuyangyang ng kanyang personal na buhay sa publiko.
“Kung wala siyang ipinagbabanduhang kuwento ng personal life niya, saan kukuha ng details ang mga bumibira sa kanya? So, siya rin ang dapat sisihin, she’s too open about her personal life.
Pasensiya na lang siya dahil ‘yun din ang ginagamit against her,” komento ng isang kausap namin. Pero malabong mangyaring tumiklop ang bibig ni Kris Aquino.
Parang ine-enjoy niya kasi ang mga nangyayari, parang kahit ano pa ang sabihin ng iba tungkol sa kanya ay balewala lang naman ‘yun sa kanya, dahil sentro siya ng mga usap-usapan at kuwentuhan.
Ganu’n na ganu’n ‘yun. Nakakalungkot, pero ‘yun ang totoo, kinaaaliwan ni Kris ang ganitong senaryo.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.