INIHAHANDA na ang Philippine National Police (PNP) custodial center sa Camp Crame upang tanggapin ang mga senador na dawit sa pork barrel scam na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Kapag naisyuhan na sila ng warrant of arrest ng Sandiganbayan, magiging tirahan ng tatlong senador ang custodial center.
Pero hindi lang ang tatlong senador ang maninirahan sa custodial center habang nililitis ang kanilang kasong plunder.
Marami pang mga mambabatas ang susunod na maging “residente” ng custodial center.
Ilan pang senador at dating senador, at maging miyembro ng Kamara de Representantes, ang dawit sa plunder scam.
Kapag nagkataon ay magiging annex ng Senate of the Philippines and House of Representatives ang custodial center.
Ang tanong: Magkakaroon pa kaya ng quorum ang House of Representatives kapag nakakulong ang maraming miyembro nito sa custodial center?
Kailangan sigurong alisin muna ang both houses of Congress—ang Kamara at Senado—at magtatag ng revolutionary government.
Pero hindi dapat si Pangulong Noy ang mamuno ng revolutionary government, kundi ang papalit sa kanya maging sino man ito, dahil mahinang klaseng lider si Noynoy.
Kapag nagkaroon ng presidential election, ang nanalo ay dapat magtatag ng revolutionary government.
Masyado nang talamak ang korapsyon sa lahat ng sulok n gating gobiyerno at dapat ang isang lider na may kamay na bakal.
Sa revolutionary government lamang aasenso ang ating bansa huwag lang abusado ang lider.
Nagtatag ng revolutionary government si Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng martial law, pero siya at ang kanyang maybahay na si Imelda ay naging abusado.
Ang kailangan sa revolutionary government ay isang benign leader na gaya ni Lee Kuan Yew ng Singapore .
Umasenso ang Singapore sa ilalim ng pamamahala ni Lee Kuan Yew.
Ang dapat na mamuno sa revolutionary government ay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte at hindi si Vice President Jejomar Binay.
Walang bahid na korapsyon si Duterte.
Di gaya ni Binay na tiwalang-tiwala na mapupunta sa kanya ang pinakamataas na puwesto ng bansa.
Kapag naluklok si Binay sa Malakanyang kawawa ang bayan dahil abusado ito at ang kanyang pamilya.
qqq
Masama ang record ni Binay sa business sector, lalong lalo na sa mga negosyante sa Makati .
Magtanong-tanong ka sa mga real estate developer, yung mga nagtayo ng condominium sa Makati , at sasabihin sa inyo kung anong klaseng pamilya ang mga Binay.
Huwag na lang manggaling sa inyong lingkod; sa kanila na kayo magtanong.
Tanungin din ninyo kung bakit galit ang pamilya Lopez, mga may-ari ng ABS-CBN at Rockwell business center, kay Binay.
Huwag nang manggaling pa sa akin; tanungin na lang ninyo ang mga Lopez, na dating may-ari ng Meralco.
Corrupt daw ang pamamahala ng mga Binay sa premier city ng buong bansa.
Kaya raw yumaman ang pamilya Binay dahil sa kanilang corruption.
Magaling lang daw silang magtakip ng kanilang baho.
On the other hand, magtanong-tanong kayo kung anong klaseng pamamalakad ni Duterte sa Davao City .
Natutuwa ang mga residente ng Davao City kay Duterte dahil walang malalaking krimen ang nagaganap sa lungsod.
Nagsilikas na ang mga masasamang-loob sa Davao City at naglipatan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Masaya ang mga negosyante sa lungsod dahil hindi sila binabakalan ni Duterte.
Ang maipupukol lang na aksasyon kay Duterte ay siya’y mamamatay-tao at hindi magnanakaw ng pera ng taumbayan.
Kung totoo man ang akusasyong siya’y mamamatay-tao, ang pinapapatay naman niya ay mga pusakal na kriminal at hindi mga law-abiding citizens.
Dahil sa reputasyong siya’y mamamatay-kriminal, naging tahimik ang lungsod na dati
ay pugad ng mga masasamang-loob.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.