JPE, Bong, Jinggoy kinasuhan ng Plunder
ISINAMPA na kahapon sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban sa tatlong senador at iba pang sangkot sa pork barrel fund scam. Kinasuhan sina Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Sen Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at ang umano’y pork barrel fund scam queen na si Janet Lim Napoles kasama ang iba pang nadadawit sa alegasyon.
Ang kasong plunder ay isang non-bailable offense na nangangahulugan na ikukulong ang mga akusado nito habang isinasagawa ang pagdinig sa kaso.
Ang kaso ni Estrada ay may docket number na 238, 239 kay Enrile at 240 kay Revilla. Si Napoles ay nakakulong na sa kasalukuyan kaugnay ng serious illegal detention case na isinampa sa kanya ng dating empleyado na si Benhur Luy, isa sa mga whistle blower na binigyan ng immunity ng Ombudsman kapalit ng kanyang testimonya.
Kahon-kahong dokumento ang isinumite sa docket section ng Sandiganbayan pasado alas-3 ng hapon. Kasama sa kaso ni Estrada sina Napoles, Pauline Labayen, at John Raymund de Asis.
Si Enrile naman ay kinasuhan kasama ni Napoles, Gigi Reyes, Ronald John Lim at de Asis. Kasama naman ni Revilla sina Napoles, Richard Cambe, De Asis at Lim.
Matapos i-raffle upang malaman kung alin sa limang dibisyon ang magsasagawa ng pagdinig sa magkakahiwalay na kaso ay pag-aaralan na ng korte kung mayroong sapat na batayan upang magpalabas ito ng arrest warrant at hold departure order laban sa mga akusado.
Maaari ring maghain ng mosyon ang mga akusado upang payagan sila ng korte na makapagpiyansa, na ibinibigay lamang kung mahina ang mga ebidensya na iniharap ng prosekusyon.
Isa rin sa opsyon ng mga akusado ang pagdulog sa Korte Suprema upang pahintuin ang proseso at pag-aresto sa kanila.
Kamakalawa ay ini-labas ng Office of the Ombudsman ang pagbasura sa motion for reconsideration na inihain ng mga akusado dahil wala umano itong naipakitang bagong ebidensya upang baliktarin ang naunang desisyon.
Bukod kay Luy, inaasahan din ang pagtestigo nina Marina Sula, Merlina Suñas, Mary Arlene Baltazar at Simonette Briones laban sa mga akusado matapos pagbigyan ng Ombudsman ang hinihingi nilang immunity.
Naghahanda na rin ang PNP Custodial Center kung saan maaaring ikulong ang mga akusado sa sandaling maglabas na ng arrest warrant ang korte.
Maaari namang mag-utos ang korte na ikulong sa ibang lugar ang mga akusado. Inaasahan na maghahain ng iba pang kaso ang Ombudsman laban sa iba pang sangkot sa scam.
Warrant haharangin ni Revilla
HIHILINGIN ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan na ipatigil ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Sinabi ng abogado ni Revilla na si Joel Bodegon na maghahain ang kampo ng senador ng “motion for judicial determination of probable cause and deferment or suspension of proceedings,” sa anti-graft court.
“We’re questioning the filing of the information,” sabi ni Bodegon bilang sagot sa pagbasura ng Ombudsman sa motion for reconsideration na inihain nina Revilla, Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada kaugnay sa kasong plunder.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.