Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. San Miguel Beer vs Globalport
8 p.m. Barangay Ginebra vs Barako Bull
APAT na koponang galing sa kabiguan ang magpipilit na makabalik sa winning track sa magkahiwalay na laban sa PLDT Home TVolution PBA Governors’ Cup mamayang gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Makakatunggali ng San Miguel Beer ang Globalport sa ganap na alas-5:45 ng hapon samantalang magduduwelo ang Barangay Ginebra at Barako Bull sa ganap na alas-8 ng gabi.
Napatid ang three-game winning streak ng Beermen nang sila’y pataubin ng Talk ‘N Text, 103-97, noong Sabado at bumagsak sa 3-2. Ang Globalport ay may 1-3 karta at galing naman sa back-to-back na kabiguan buhat sa Rain or Shine (119-97) at defending champion San Mig Coffee (92-82).
Ang pagkatalo sa Mixers ay masaklap para sa Batang Pier dahil sa larong iyon ay nakalamang sila ng 20 puntos at animo’y kontrolado nila ang sitwasyon subalit bumitaw na lang sa dulo.
Sa import matchup ay magpapatalbugan sina Reggie Williams ng Beermen at Leroy Hickerson ng Batang Pier.
Si Williams ay susuportahan nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Solomon Mercado at Chris Lutz. Si Hickerson ay tutulungan naman nina Jay Washington, Alex Cabagnot, Terrence Romeo at RR Garcia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.