Parusang brownout | Bandera

Parusang brownout

Jake Maderazo - June 02, 2014 - 03:00 AM

AKALA ko, makakahinga na tayo sa brownout pagdating ng Hunyo hanggang Disyembre, pero hindi pala. Bukod sa mawawalan tayo ng kuryente dahil sa inaasahang maintenance shutdown ng maraming power plant sa tag-ulan, tataas din ang generation charge dahil sa mangyayaring kakulangan ng suplay.

Tingnan na lamang iyong biglaang pagkasira ng Pagbilao 1 power plant nitong Mayo at nagdeklara pa ng yellow alert sa Luzon grid. Paano kung may masirang planta ngayong tag-ulan habang nasa maintenance shutdown ang karamihan, lalot mga luma na ito?  Ang mangyayari niyan ay magkukumahog na naman ang Meralco at electric cooperatives na bumili ng mas mahal na kuryente sa walanghiya at sindikatong taga-WESM spot market. At mauulit na naman ang nangyari noong Disyembre ng nakaraang taon na lumipad ng husto ang presyo ng kuryente at natigil  naman ng Korte Suprema.

Kung hindi ako nagkakamali ang latest na binabayaran natin ay P11.40 per kWh  nitong 2013 kumpara sa P4.87 per kWh lamang noong 2000. Kapantay na ng Pilipinas ang Japan sa may pinakamahal na kuryente sa Asya. Mabuti na lamang, nagbaba ng dalawang sunod na beses ang Meralco sa singil nitong buwan ng Abril at Mayo.  Pero, walang katiyakan na hindi ito tataas sa mga susunod na buwan.  Mahal na nga ang kuryente, wala naman tayong pagkukunang bago.

Masakit tanggapin na sa nakaraang apat na taon ni PNoy, wala halos nadagdag na malalaking power plant na pagkukunan natin ng kuryente. Patuloy ang pagtaas ng pangangailangan sa elektrisidad pero manipis masyado ang pang-araw araw nating reserve. Sa ibang bansa, komportable sila sa 2,500MW reserve para wala silang brownout ,pero dito sa atin sa Luzon , higit 1,000MW lang ang sobra at  kapag bumigay ang isang planta, windang tayong lahat. Higit namang kawawa ang Mindanao at Visayas.
May plano si PNoy na ikonekta raw ang Mindanao at Visayas sa Luzon grid para raw malutas ang kakulangan doon ng kuryente. Maganda sa talumpati at press release, pero hindi ba’t delikado pa sa mga di inaasahang power plant breakdown ang Luzon, na sabi ko nga ay below 2,500MW lang ang reserve na kuryente?
Mr. President, talagang  kulang na kulang na tayo sa mga bagong power plant na tunay na magbibigay ng kuryente sa mamamayan.  Totoo na merong itinayong Sibulan hydroelectric plant sa Davao del Sur (42.5MW), Sacasol solar power plant sa Negros Occidental (22MW), na parehong maliit at me plano pa raw na apat na coal fired plants na isa rito ay ilalagay sa Mindanao. Dito sa Luzon,  ang 600-MW na Redondo coal fired power plant sa Subic ay sa 2017 pa magiging operational matapos ang napakaraming problemang legal at mga kilos protestang dinaanan nito.

Puro drowing ang mga planong ito ng Department of Energy at Malakanyang ! Apat na taon na si PNoy sa pwesto, bakit ngayon sila nagkukumahog sa problema ng dagdag na power plants? May mangyayari kaya sa natitira niyang dalawang taon?Importante na mapatatag ang power supply para naman matatag din kahit mahal ang presyo ng kuryente.

Paanong uunlad ang bansa kung palaging brownout? kung perwisyo na ang presyo ng kuryente na pinagpasaan ng bawat negosyante, industriya  at maging kababayan? Paanong uunlad ang Tuwid na Daan kung napabayaan naman ang sitwasyon ng enerhiya sa bansa? Kami po’y nagtatanong lang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending