INDIANAPOLIS — Hindi pa tapos ang laban.
Ito ang mensahe ni Indiana Pacers forward Paul George sa nagdedepensang kampeong Miami Heat.
Umiskor ng 37 puntos at kumuha ng tig-6 na rebounds at steals si George sa Game 5 kahapon para pangunahan ang Pacers sa 93-90 panalo at manatiling buhay sa kanilang best-of-seven NBA Eastern Conference finals series.
Lamang pa rin ang Heat sa serye, 3-2, at ang Game 6 ay gaganapin sa Miami bukas ng umaga.
Umabante ng 11 (48-37) ang Heat sa ikatlong yugto ngunit nang maupo si LeBron James (5 fouls) dahil sa foul trouble ay nabawi ng Pacers ang kalamangan.
Sa ikaapat na yugto ay Miami naman ang naghabol at nakadikit sila sa 90-91 matapos na tumira ng tres si Rashard Lewis, may 16 segundo na lang ang natitira.
Muntik nang maagaw ni Shane Battier ang bola kay George sa inbounds play ngunit matapos na i-review ng mga reperi ang play ay nanatili ang bola sa Indiana.
Napilitang i-foul ng Heat si David West ngunit matapos niyang ibuslo ang unang free throw ay nagmintis ito sa pangalawa. Nakuha ni Norris Cole ang rebound at tumawag ng timeout ang Heat, may 12.8 sandali na lang ang natitira.
Sa huling offensive play ng Heat ay nag-drive sa basket si James at ipinasa nito ang bola kay Chris Bosh na bakante sa kanto. Sumablay naman ang tira ni Bosh at nakuha ng Indiana ang rebound.
Muling na-foul si West may isang segundo na lang ang nalalabi sa laro. Ipinasok niya ang unang free throw at nagmintis sa pangalawa. Nakuha naman ng Pacers ang offensive rebound sabay sa pagtunog ng final buzzer.
Dahil sa foul trouble ay nangapa sa laro si James. Tumapos lamang siya na may pitong puntos sa 24 minutong paglalaro. Ito ang pinakamababang naiskor ni James sa Playoffs mula nang maglaro siya sa NBA.
Nagdagdag naman ng 19 puntos at siyam na rebounds si West at si Roy Hibbert ay may 10 puntos at 13 rebounds para sa Pacers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.