NORMAL na para sa GMA 7 star na si Sarah Lahbati ang maging busy lalo at nauubos ang kanyang oras sa taping ng kanyang daily soap na “Kokak” at rehearsal ng Sunday variety show na “Party Pilipinas.”
Kaya nakakapagtaka na kung wala sa trabaho ay nagkukulong lamang si Sarah sa kanyang condo unit kasama ang kanyang inang si Esther at dalawang alagang aso na sina Charlie at Efie.
“I sleep and eat on my days off,” ani Sarah. “Sometimes I bond with my neighbor, Bela.”
Ang tinutukoy niya ay ang Kapuso star na si Bela Padilla na nakatira sa kaparehong condominium building. “I’m a laid-back person, I’d rather relax in my room.”
Sinabi ni Sarah na si Bela ang nagrekomenda ng naturang unit sa kanya. Ang mga Lahbati ay nakatira sa Dasmariñas, Cavite pero nagdesisyon ang kanyang ina na mag-rent ng condo sa Quezon City, malapit sa studio ng GMA 7.
“I feel secure and comfortable here,” ani Sarah.
Kung hindi man nagbabasa ng libro sa kanyang maaliwalas na kuwarto, abala si Sarah sa panonood ng DVDs, pagtugtog ng kanyang Washburn bass guitar, at pagi-internet.
“I go on DVD marathons, watching old Audrey Hepburn movies. Or I study the script of ‘Kokak.’”
Puno ang kanyang bookshelf ng iba’t ibang libro—mga English at French. Hirit niya, binasa niya ang “Twilight” series sa French.
Bukod sa Filipino, English at French, marunong ding magsalita ng Arabic, German at Italian si Sarah.
Lumaki siyang multilingual dahil ang kanyang ama na si Abdel, na nanggaling sa Morocco, ay nagtatrabaho bilang translator sa United Nations headquarters sa Geneva.
Natutuwa rin si Sarah sa panonood ng DVD ng mga pelikula ng French comedian na si Patrick Timsit at Omar & Fred.
Ang headboard ng kanyang kama ay na-dedekorasyunan ng isang dosenang stuffed toy frog—mga regalo mula sa mga kapamilya at kaibigan bilang pagkilala sa kanyang karakter na “Kokak” na isinumpa upang maging palaka kapag nababasa ng tubig.
“I used to be scared of frogs,” pag-amin ni sarah. “I’m used to them now, but I haven’t gotten over my fear of cockroaches.”
Mayroon ding mga vintage portraits ni Marilyn Monroe at The Beatles ang kanyang kuwarto. “I love the icons,” aniya.
Si Audrey Hepburn ang kanyang all-time idol.
Kuwento niya na habang nanonood ng “Roman Holiday” ay hindi niya maiwasan na maalala ang kanyang pagbabakasyon sa Rome kung saan niya binisita ang mga famous spots gaya ng Spanish Steps at Trevi Fountain.
Habang lumalaki sa Geneva ay nakaikot din siya sa Europe. “France is just a few minutes away from where we lived; Italy, three hours away.”
Naranasan na rin niyang tumira sa Italy. “We spent summers in Italy.
I was very happy because I love the sun, swimming… and gelato.”Gayundin sa Paris. “Once, my family welcomed the New Year at the Eiffel Tower. We had dinner with uncles and aunts from my dad’s side of the family.”
Art lover lover si Sarah. “Paris is the ultimate shopping place. When I’m there, though, I don’t go to designer shops. I frequent flea markets and look for vintage clothes. I am into wearing jackets and boots.”
Paborito naman niyang kanta ng Beatles ang “Here Comes the Sun,” “Hey Jude” at “Blackbird.”
Ang pinsan niyang si Tony Pesito ang nakaimpluwensya sa kanya sa Fab Four.
Ngayon ay nag-aaral siyang tumugtog ng gitara. “I also want to learn how to play the piano.”
Bukod sa kanyang kuwarto, paboritong tambayan ni Sarah ang kusina. “I eat a lot,” pag-amin ng aktres. “I love fruits, especially strawberries.”
Marunong din siyang magluto. “I can cook pasta dishes, like pesto. I’ve perfected chicken curry. I also bake chocolate chip cookies.”
Noong nasa high school, sumasali si Sarah sa paggawa at pagbebenta ng chocolate truffles tuwing Valentine’s Day.
Lumaki si Sarah sa Switzerland kaya karamihan sa kanyang mga pasta recipes ay pinaghalong French at Swiss.
“It’s very simple. I just add salt, butter and steamed broccoli to the noodles. It’s very healthy.”
Ang veggie pasta ay isang nutritious break sa holiday dishes na inihanda ng kanyang ina noong Pasko at Bagong Taon.
Walang pinagkaiba ang celebration ng holidays ng pamilya sa mga celebrations ng mga nakaraang taon. “We go to church (at Manila Victory) and then have a family get-together at home.”
Inilalagay ng kanyang ina ang Christmas tree sa sala samantalang ang kanyang tiyahin na si Marie ang gumawa ng abaca parol na nakasabit sa balkonahe.
Ani Sarah, nanalo sa lantern-making contest ang Tita Marie niya sa Barcelona, Spain. Ito rin umano ang gumawa ng mga pulang abaca bags na ginamit ni Sarah para sa kanyang mga regalo nitong nakaraang Pasko.
Bukod sa mga abaca bags, isang miniature camel ang nakatayo sa paanan ng Christmas tree. Ang mini-camel ay souvenir mula sa Morocco, ani Mommy Esther.
Naglagay din si Mommy Esther ng leather pouf, isang bilog na cushion-seat na gawa sa camel skin, sa sala.
Si Auntie Marie naman ang gumawa ng mga kurtina, upuan at sofa at bed cover.
Naka-display malapit sa telebisyon sa sala ang ilang award ni Sarah sa eskuwelahan (Immaculate Conception Academy) at reality show na “StarStruck,” na kanyang napagwagian kasama si Steven Silva.
Kuwento ni Sarah, madalas siyang napipiling muse sa school. Pero sumasali rin siya sa sports at nanalo ng ilang medalya sa basketball, swimming at taekwondo.
Sa edad na 10 ay naglaro siya ang basketball sa Purefoods hotdog commercial kasama ang cager na si Alvin Patrimonio. “That was my first TV ad,” ani Sarah.
Ang Purefoods poster ay naka-display din sa kanyang kuwarto.
Noong siya ay walong taong gulang pa lamang ay lumabas si Sarah sa GMA 7 sitcom na “Hokus Pokus,” na kinatatampukan nina Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at Rufa Mae Quinto.
Dalawang taon na ang nakakaraan ay nakasalubong niya si Sen. Bong sa Boracay.
“He was surprised and said I had grown so tall na raw.”
Sa nakaraang Pasko ay hindi nakasama ni Sarah ang kanyang ama na bumisita kamakailan.
“I miss my dad. I miss my friends. I miss Europe.”
Pero magkikita uli sila ng kanyang ama ngayong buwan dahil pupunta siya sa Geneva para sa kanyang “homecoming” concert. Sey niya, magi-enjoy daw siya sa isang white Christmas sa buwan ng Pebrero.
“I haven’t been back since joining ‘StarStruck’ two years ago.”
“Christmases in Geneva are very traditional,” ani Sarah. “The Swiss are friendly; they greet everyone, even strangers, on the streets.”
Makakasama ni Sarah sa concert sina Enzo Pineda, Derrick Monasterio at Mico Aseron.
“I’ll be their tour guide. I will introduce them to my girl friends and teach them how to snowboard,” ani Sarah. —text at photos mula sa Inquirer
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.