Meagan Aguilar: Walang utang na loob! | Bandera

Meagan Aguilar: Walang utang na loob!

Cristy Fermin |May 23,2014
facebook
share this

Meagan Aguilar: Walang utang na loob!

Cristy Fermin - May 23, 2014 - 03:00 AM

FREDDIEAT MEAGAN AGUILAR

Tama lang ang ginawa ni Freddie Aguilar, hinihingi ng sitwasyong kinapapalooban nilang mag-ama ngayon ang takbo ng utak ng isang taong mas nakauunawa, mas marami nang pinagdaanan at mas nagpapahalaga sa relasyon.

Gusto naming purihin ang henyong musikero sa naging sagot niya sa pagtungayaw ngayon ng kanyang panganay na anak na si Maegan, bumubula ang bibig ng babaeng ito sa sobrang galit sa kanyang ama, na ang naging dahilan lang ay ang mga nabulok na gulay sa refrigerator nila.

Pero naging piping dahilan na lang ang mga nabulok na gulay, ‘yun na lang ang huling tusok ng karayom na nagpaputok sa pasensiya ni Ka Freddie, anumang oras ay talagang magkakaroon na sila ng komprontasyon ng kanyang anak.

Ang pinakaugat ng problema ay hindi ang mga gulay, kundi ang matinding pag-ayaw ni Maegan kay Jovie na asawa ngayon ng musikero, mula raw kasi nang maging sila na ay nagbago na ang pagtingin ni Ka Freddie sa kanyang mga anak.

Pero hindi maganda ang tabas ng dila ni Maegan, lalo na sa mga panglalait nito sa kanyang ama, napakaraming naiinis sa kanya ngayon dahil sa kawalan nito ng utang na loob.

Komento ng isang kaibigan namin, “Sinabi niyang naging squatter na ang tatay niya mula nu’ng dumating si Jovie, pero kung mananalamin si Maegan, e, mas masahol pa siya sa iskuwa-kuwa kung pintasan at laitin ang tatay niya!

“Walang utang na loob ang anak na ‘yun ni Kaka, kung ako ang tatay nu’n, e, hindi siya basta manghihiram lang ng mukha sa aso, pati pusa, aabalahin niyang hiraman ng mukha!” madiing sabi ng aming source.

Matitindi ang mga upak na tinatanggap ngayon ni Maegan Aguilar sa social media, siyam sa bawat sampu ang galit na galit sa kanya, ang taumbayan ang sumasagot para kay Ka Freddie sa kabalahuraang ipinaglalantaran pa ng kanyang anak.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending