MAGPAPAKASAL na sana si Arvin Jay Ovalles sa kasintahan sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas mula sa Dammam, Saudi Arabia. Kaya naman nag-ipon siya upang matupad ang matagal nang pangako sa minamahal.
Ngunit matapos ang dalawang taon na kontrata, hindi ito pinayagang makauwi ng kanyang employer.
Pebrero 2014 pa nagtapos ang kontrata. Puro pangako lamang ang ibinibigay sa kanya ng employer na parating na ang kanyang plane ticket.
Walang trabaho ngayon si Arvin sa Saudi kayat wala na rin siyang kinikita pero patuloy namang gumagastos tulad ng pagkain, load sa telepono at iba pa.
Walang humpay sa pakiusap si Arvin na ibigay na sa kanya ang plane ticket na dapat namang sinasagot ng employer
ayon sa nakasaad sa kontrata.
Kaya naman nang inilapit ito ng pinsan niyang si Fritz Sales sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer, agad kumilos ang aming programa.
Ipinadala namin sa tanggapan ni Secretary Rosalinda Baldoz ng DOLE ang hinaing ng
ating OFW at mabilis namang kumilos si Labor Attache David Des Dicang nang makipag-ugnayan ito sa Saudi Arabia at agad asikasuhin na maisyuhan ng plane ticket si Arvin.
Kasabay namang oobligahin ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac ang ahensiyang nagpaalis kay Arvin na Paris International Agency.
Sa Bantay Kaso update ni Labatt Dicang on-the-air sa Radyo Inquirer, ibinalita niyang naisyuhan na ‘anya ng plane ticket si Arvin. Kahapon (Mayo 15) dumating na sa Pilipinas ang ating kabayan.
Masayang malungkot ang kaniyang pagbabalik dahil nakauwi na nga siya, ngunit ubos naman ang salaping naipon na gagastusin sana niya sa pagpapakasal sa girlfriend.
Nang magdesisyon si Beth na umuwi ng Pili-pinas mula sa kaniyang 7 taon na pagtatrabaho sa Hongkong, buo ang loob nitong magne-negosyo na lamang. Buy and sell ang naisipan niyang gawin.
Kaya naman nang makausap ang kaibigang elementary teacher, nagpatulong siya na magsimula sila ng negosyo. Ngunit sa halip na tulungan siya ng guro, ito pa ang nakiusap sa kaniya na gamitin niya ang credit card ni Beth upang makabili siya ng mga pambentang produkto.
Buo ang tiwala sa kaibigan, kung kaya’t ipinagamit ni Beth ang credit card. Halagang P70,000.00 ang nautang sa kanya at nangako ang teacher na buwan-buwan siyang maghuhulog sa bangko nito kapag dumating na ang singil sa credit card.
Ang malungkot, hindi tumupad sa pangako ang naturang teacher. Wala itong binabayaran at sa kasalukuyan, umabot na sa P 130,000 ang naturang utang dahil sa buwanang interes na ipinapataw ng bangko.
Kahit anong pakiusap ni Beth, hindi na siya pinapansin nang kanyang kaibigan at tipong hindi na ‘anya siya nito kilala. Nagtatago na ang teacher!
Ang planong negosyo ni Beth, napurnada dahil sa mapagsamantalang kaibigan.
Plano nitong kasuhan ang kaibigang guro na hanggang ngayon ay nagtuturo pa sa kanilang paaralan sa kanilang bayan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM. Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City. Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870. E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.