NAKITA na raw niya ang affidavit ni Janet Lim Napoles, ayon kay pangulong Aquino.
Kaya lang magkaiba ang kanyang nakita. Ibig sabihin magkaiba ang ibinigay ni Napoles sa mga taong nagsasabi na may hawak silang affidavit.
Tumaas tuloy ang kilay ng ilan. Anong plano ni Napoles at magkaiba ang affidavit na kanyang ibinigay.
Sinu-sino kaya ang mga taong nasa isa pero wala sa kabilang listahan (Kahapon inilabas na ni dating Senador Panfilo Lacson ang sinasabing affidavit ni Napoles na ibinigay sa kanya ng mister nitong si Jimmy).
Kung lalabas na ang listahang ito (yung hawak naman ni Justice Secretary Leila de Lima), malamang ay magkagulo na, at marami ang magtatanong kung sinong may hawak ng affidavit na credible at dapat paniwalaan.
Posible daw na sinadya ni Napoles na magkaiba ang listahan na ibinigay niya kay De Lima at Lacson.
Ang galing naman niya, sabay-sabay tayong pinaiikot nitong si Napoles!
Tiyak na magiging magulo kapag lumabas na pareho ang dalawang listahan.
Kung mangyayari ito, isa marahil sa palulutanging espekulasyon ay nagkaroon ng dagdag-bawas.
At ang masakit, baka kahit na wala namang ibinawas si De Lima ay pagbibintangan siya na inalis na niya ang pangalan ng mga kaalyado ng Malacanang.
Tiyak na negatibo ang epekto nito sa administrasyong Aquino di ba? Baka kaya kasama sa plano ang magkaibang bersyon ng affidavit ni Napoles.
Yung biglaang pagkanta ni Napoles kay De Lima bago siya operahan ay tinaasan ng kilay ng ilan. Tapos nagpadala ang kampo ni Napoles ng listahan kay Lacson.
Hmmm…..
Baka ang plano talaga ay guluhin ang imbestigasyon at maglagay ng pangamba sa isinasagawang imbestigasyon ng gobyerno.
At sa huli, kapag may agam-agam na tungkol sa isyu, mas madali nang palabasin na acquitted ang mga nagpakasasa sa kaban ng bayan.
Mas maganda siguro kung ipatatawag na si Napoles sa pagdinig ng Senado at doon siya tanungin kung sinu-sino ang mga sangkot.
Maaari ring dalhin ang affidavit na hawak ni de Lima at ang nasa kamay ni Lacson para maipaalala sa kanya sakaling meron nanamang siyang nakalimutan.
Pero please lang, huwag sa executive session. Hayaan nyo naman ang taumbayan na mapanood ito.
Umusad na ang anti-political dynasty bill sa Kamara de Representantes. Nakasalang ito sa deliberasyon para sa ikalawang pagbasa.
Maganda ang hangarin ng panukala, upang walang iisang pamilya na kumokontrol sa gobyerno ng isang lugar.
Ang matutuwa rito ay ang mga talunang pulitiko. Kung isa na nga naman sa bawat pamilya ang maaaring umukupa ng elective position sa gobyerno, mas malaki ang tyansa nila na makabalik sa puwesto.
Ang ikinatatakot ko lang, baka maging korporasyon naman ang pulitika natin.
Hindi kontrolado ng iisang pamilya, pero kontrolado ng mga magkakabarkada na siya namang magpapalit-palitan sa puwesto.
Eh di parang ganun din.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.