HEAT, SPURS DINUROG ANG NETS, BLAZERS | Bandera

HEAT, SPURS DINUROG ANG NETS, BLAZERS

- , May 08, 2014 - 12:00 PM

MIAMI — Pinatunayan ng defending champion Miami Heat at perennial title contender San Antonio Spurs na palaban pa rin sila para sa NBA title matapos na tambakan ang kanilang mga katunggali kahapon sa opening games ng kanilang NBA second-round playoff series.

Hindi pinaporma ng Miami ang Brooklyn Nets na kanilang dinomina tungo sa pagtala ng 107-86 panalo habang ang San Antonio ay nanguna mula umpisa hanggang katapusan para durugin ang Portland Trail Blazers, 116-92.

Umiskor si LeBron James ng 22 puntos habang si Ray Allen ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Miami na nanatiling walang talo sa postseason.

Tinalo ng Nets ang Heat sa dikitang labanan sa naunang apat na paghaharap ngayong season.

Si Chris Bosh ay gumawa ng 15 puntos at humablot ng 11 rebounds, si Dwyane Wade ay nagtapos na may 14 puntos at si Mario Chalmers ay nag-ambag ng 12 puntos para sa Miami, na nagawang magtala ng isang panalo sa regular season sa lahat ng mga NBA teams maliban sa Brooklyn, na tumalo sa kanila ng apat na beses.

Sina Deron Williams at Joe Johnson ay kapwa umiskor ng 17 puntos para sa Nets, na nakakuha lamang ng walong puntos buhat kay Paul Pierce habang si Kevin Garnett ay hindi naman nakaiskor sa 16 minutong paglalaro.

Ang Game 2 ng best-of-seven series ay gagawin bukas.

Isang 24-9 run sa ikatlong yugto ang ginamit ng Heat, na napahinga ng walong araw matapos na walisin ang Charlotte Bobcats sa opening round, para maiwanan ang Nets. Si James ay tumira ng 10 for 15 mula sa field habang si Allen — na hindi pa nakakaharap ang kanyang mga dating kakampi sa Boston Celtics na sina Pierce at Garnett sa playoffs — ay tumira ng 4 of 7 sa kanyang  3-pointers.

Angat ang Miami ng tatlong puntos, 55-52, sa kaagahan ng ikatlong yugto matapos ang tres ni Williams at nagbabadya naman ito na mauwi sa dikitang laro ang Heat at  Nets — na naglaro ng tatlong one-point games at double-overtime na laban sa regular season — bago biglang rumatsada ang Miami tungo sa pagtala ng dominanteng panalo.

Si San Antonio guard Tony Parker ay nagtala ng 33 puntos at siyam na assists para sa Spurs matapos nilang gulpihin ang mas batang Portland tungo sa pagsungkit ng panalo.

Si Kawhi Leonard ay nag-ambag ng 16 puntos habang si Tim Duncan ay nagdagdag ng 12 puntos at 11 rebounds para sa San Antonio.

Malaking bagay rin para sa Spurs ang naging kontribusyon ng kanilang bench na halos hindi napakinabangan sa kanilang serye laban sa Dallas.

Si Marco Belinelli ay gumawa ng 19 puntos habang ang Australian connection nitong sina Aron Baynes at Patty Mills ay may tig-10 puntos.

Muli ring ipinamalas ng Spurs ang kanilang kumpletong paglalaro, na nagresulta sa pagtala nito ng best regular season record ng liga, ngayong postseason.

Malayo naman ang ipinakitang paglalaro ng Portland kumpara sa kanilang serye laban sa Houston Rockets.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si LaMarcus Aldridge ay nagtala ng 32 puntos at 14 rebounds habang si Damian Lillard ay nag-ambag ng 17 puntos para sa Portland subalit ang All-Star duo ay nagsanib lamang sa 17 puntos sa first half kung saan nagawang itaguyod ng San Antonio ang 26-puntos na kalamangan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending