Mga Laro Ngayon
(Araneta Coiseum)
2:45 p.m. Meralco vs Rain or Shine
6 p.m. Alaska Milk vs San Mig Coffee
NAKATAYA ang dalawang semifinals berth sa magkahiwalay na labang magtatapos sa quarterfinal round ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Magkikita ang Meralco at Rain or Shine sa ganap na alas-2:45 ng hapon samantalang magtutuos ang defending champion Alaska Milk at San Mig Coffee sa ganap na alas-5 ng hapon.
Napuwersa ng Mixers at Elasto Painters ang mga kalaban sa sudden-death match nang sila’y magwagi sa Game Two ng best-of-three series noong Miyerkules.
Tinalo ng San Mig Coffee and Alaska Milk, 70-65, samantalang pinataob ng Rain or Shine ang Meralco, 102-93. Nagwagi ang Meralco sa Game One, 94-91. Dinomina rin ng Alaska Milk ang San Mig Coffee sa series opener, 86-77.
Si Marc Pingris ay nagtala ng 17 puntos samantalang nagdagdag ng 13 si Joe Devance upang buhatin ang Mixers sa Game Two kung saan nalimita ang import na si James Mays sa 12 puntos.
“We’re just grinding it out against the solid defense of Alaska. Alaska is so good, it’s hard to beat them. They are playing at championship level,” ani San Mig Coffee coach Tim Cone na naghahangad na maihatid sa ikatlong sunod na kampeonato ang Mixers matapos magtagumpay sa nakaraang Philippine Cup at Governors’ Cup.
Misyon ng Mixers ang pigilin ang reigning Best Import na si Rob Dozier na nakagawa ng 22 puntos sa Game Two sa kabila ng matinding depensa ng mga big men nito.
Katulong ni Dozier sina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Joaquim Thoss at Gabby Espinas. Umaasa rin si Cone na makapagsusumite ng malalaking numero sina James Yap, Peter June Simon at Mark Barroca para sa San Mig Coffee.
Ang Rain or Shine ay nakakuha ng game-high 26 puntos sa import na si Wayne Chism at double-digit na kontribusyon buhat kina Gabe Norwood, Ryan Araña, Jervy Cruz at Tyrone Tang upang mapuwersa ang Game Three.
“It’s getting to be physical and rugged. But we’re prepared for that,” ani Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na nagsabing nakatulong ang pahinga nila noong Martes.
Bago ang laro noong Miyerkules ay lumaban sa back-to-back games ang Elasto Painters noong Linggo at Lunes. Ang Meralco ay naghahangad na makarating sa four-team semifinals sa unang pagkakataon buhat ng maging miyembro ng PBA apat na taon na ang nakalilipas.
Ang Bolts ay pinangungunahan ng import na si Darnell Jackson.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.