DI na sumablay ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration sa pagbibigay ng wastong taya ng bagyo’t ulan para maiwasan ang libu-libong namamatay sa mga kalamidad na mahiwagang pantay-pantay ang pananalasa, sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Pagkatapos masibak si Prisco Nilo, bakit walang pinapanagot sa mga palpak na pahayag hinggil sa pumapasok na mga unos?
Kung ang pagbabasehan ay ang bilang ng mga namatay, di hamak na mas marami ang buhay na nasayang sa panunungkulan ng mga opisyal na hinirang sa panahon ng Ikalawang Aquino.
* Magkaroon ng paninindigan si Mujiv Hataman na itigil na ang pagtotrose, ilegal man o legal, at pangangahoy sa Autonomous Region in Muslim Mindanao dahil ang itinumbang mga puno na rumagasa sa Iligan at Cagayan ay galing sa Lanao del Sur, na sakop ng ARMM.
* May managot sa matataas na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources kung bakit wala silang nagawa para maibsan ang pangangalbo ng gubat at bundok, pati na ang mga nakapaligid sa Mega Manila.
* Pansinin at unahin ng gobyerno ang bagsak na ekonomiya, na ang dinudurog ay mga arawan, at di puro impeachment kay Chief Justice Renato Corona at walang tigil na latay kay Pampanga Rep. Gloria Arroyo, na ang mga kaso ay nasa husgado na.
Hindi maipantatawid-gutom ang impeachment at Gloria dahil hindi kailangan ng mahihirap sina Corona’t Arroyo para mabuhay araw-araw.
* Kumilos at gumawa ng paraan ang gobyerno para mabawasan ang napakataas na presyo ng gasolina’t krudo na palaging sangkalan ng mga biyahero’t negosyante para unti-unti’t patuloy na itaas ang presyo ng kanilang produkto.
* Mapigilan na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa kamay ng mga nakamotor at mahinto na ang mga namamatay sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga driver ng bus, na, ayon sa tala ng National Police Highway Patrol Group, ay nakaaalarmang tumaas noong 2011.
* Maging inspirasyon ng mga nasa administrasyon, lalo na ang hunyanggong mga politiko, ang paboritong awit ni Ninoy Aquino, ang Impossible Dream, dahil hanggang ngayon ay nananaginip pa rin ang gobyerno na mas masipag itong magtrabaho kesa nakalipas na administrasyon.
* Huwag maging kimi, mapagbalatkayo, napasusuhol at malayo sa katotohanan ang mga mamamahayag, na tinawag ni Thomas Jefferson na “necessary evil” sa malayang lipunan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.