Taumbayan nakaabang kung saan ikukulong si JPE, Jinggoy, Bong
SA inaasahang pagsasampa ng kasong plunder laban kina Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Ramon Bong Revilla Jr., at Sen. Jinggoy Estrada, napag-uuusapan na kaya nila kung saan sila ikukulong?
Wala kasing piyansa ang plunder kaya kahit marami silang pera hindi nila ito magagamit para sa pansamantala nilang kalayaan.
Sa ganitong pagkakataon, kahit paano ay nakakadarama ang mga mahihirap nating kababayan na kapantay nila ang mga mayayaman.
Yun nga lang hanggang isip lang iyon o pakiwari lang. Dahil alam naman natin na gagawa at gagawa ng paraan ang mga mayayamang gaya ng tatlong senador para makalabas ng piitan, o maibsan ang hirap na dulot ng pagkakakulong ng walang piyansa.
At una sa mga pumapasok sa isip ng publiko ay ang sikat na hospital arrest.
Kahit bayaran pa nila ang buong ospital, papayag ang mga mayayamang ito na magbayad wag lang magdusat sa kulungan kasama ang mga ordinaryong kriminal.
Kung hindi lulusot sa hospital arrest, opsyon din ang house arrest. Parang si dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada na ikinulong noon sa kanyang malaking bakuran sa Tanay, Rizal habang dinidinig ang kanyang kasong plunder hanggang sa mabigyan ng pardon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ngayon ay kongresista ng Pampanga—at naka-hospital arrest din sa Veterans Memorial Medical Center.
Saan ka pa? Maging itong tinatawag na pork barrel queen ay special din ang treatment dahil may sarili siyang kulungan, to think na ilang bilyong piso ang ninakaw niya sa ating kaban.
Napansin din ng mga katropa na kapag nakakulong ang mayayaman ay kung anu-anong sakit ang lumalabas. Sana lang daw ay totoo ang sakit nila at bahagi na ito ng tinatawag na karma.
Paano nga kaya kung di lumusot ang house o hospital arrest?
Medyo mainit ang isyu at ang nais makita ng taumbayan ay kung totoong seryoso ang “Daang Matuwid” at ipakukulong ang mga matataas na opisyal na ang taumbayan din naman ang nagluklok sa puwesto (kung totoong hindi nagkadayaan sa halalan).
Kung ayaw ng mga mayayaman sa loob ng mainit, mabaho at siksikang selda, bakit kaya hindi na lang nila gastusin ang kanilang pera para makapagpagawa ng maayos na kulungan?
Para mapakinabangan naman ito ng mga mahihirap na preso na nasanay nang matulog ng nakalambitin na parang mga paniki.
Tiyak na mamadaliin din ang paggawa ng kulungan na popondohan ng mga mayayaman para hindi na magtagal ang kanilang paghihirap.
Sigurado na hindi rin substandard ang pagkakagawa nito, hindi katulad ng mga proyekto ng gobyerno na madaling masira dahil tinipid na ang materyales dahil sa dami ng SOP.
Takot lang ng mga mayayaman kung titipirin din ang ipapagawa nilang selda, baka lumindol o magkasunog habang sila ay nasa loob.
Sana lang ay pantay-pantay ang trato. Kung may aircon ang selda ng nagpagawa, dapat pati ‘yung sa kanyang mga kakosa malamig din para masarap tulugan.
Maisip nga kaya ito ng mga mayayamang nahaharap sa malalaking kaso kung saan hinatulan na sila ng taumbayan, bago pa man ng korte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.