Willie babalik sa pagho-host, bagong show niluluto na
May mga kuwentong umiikot ngayon na malapit na raw magbalik-telebisyon si Willie Revillame. Natural, nagbubunyi ang kanyang mga tagasuporta dahil napakatagal na para sa kanila ang anim na buwang pamamahinga ng aktor-TV host, kailan at saang channel daw ba uli siya mapapanood?
May kuwentong lumabas na sa isang istasyon daw ay nagmimiting-miting na ang mga ehekutibo tungkol sa pagbabalik ni Willie. Nagkakaisa ang mga ito na ibalik na siya dahil si Willie ang hinihingi ng mga advertisers, malakas daw ang posibilidad na mapapadali ang kanyang pagbabalik sa naturang network, kaya ganu’n na lang ang tuwa ng kanyang mga tagasuporta.
Pero sa huling pakikipag-usap namin sa aktor-TV host ay wala pa siyang masabi sa amin, mabuti pa nga raw ang ibang tao at merong naikukuwentong ganu’n, samantalang siya ay wala pang alam.
“Maraming salamat, kung totoo ngang may niluluto na ang sinasabi nilang network sa pagbabalik ko. Pero kung wala naman, okey rin, hindi pa siguro ito ang right time. Ako naman, puwede tayo sa meron at sa wala.
“Natutuwa lang ako kahit sa iba-ibang bansa, ang show natin ang hinahanap ng mga Pilipino, naiinip na raw sila, kailan daw ba ako babalik? Wala naman akong maisagot sa kanila dahil sa ngayon, e, wala pa talaga akong masasabing kumpirmado,” paliwanag ni Willie.
Totoo naman ‘yun dahil kahit saan kami magpunta ay si Willie Revillame ang itinatanong ng ating mga kababayan, naiinip na ang mga ito sa kanyang pagbabalik, sana raw ay mabilisan na uli nilang mapanood ang kanilang idolo.
Malay natin, baka isang araw ay magkagulatan na lang tayo, meron na pala siyang programang muling ihahain sa publiko. Nami-miss na ng buong bayan ang kanyang paboritong linyang, “Bigyan mo ng jacket ‘yan! Bigyan mo ng cellphone ‘yan!”
( Photo credit to willierevillamefanpage )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.