Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Air21 vs. San Mig Coffee
8 p.m. Talk ‘N Text vs. Rain Or Shine
Team Standings: Talk ‘N Text (7-0); San Miguel Beer (5-2); San Mig Coffee (3-2); Alaska Milk (4-3); Air21 (3-3); Rain Or Shine (3-3); Barangay Ginebra (3-4); Meralco (3-4); Barako Bull (2-5); Globalport (0-7)
KAHIT sigurado na sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals, nais pa rin ng nangungunang Talk ‘N Text na mapanatiling malinis ang record kontra sa Rain Or Shine sa kanilang pagkikita sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa ganap na alas-5:45 ay pipilitin ng SanMig Coffee na mapatid ang two-game losing skid sa sagupaan nila ng Air21. Ang Tropang Texters, na nabigong maipagtanggol ang korona sa nakaraang Philippine Cup, ay may 7-0 record at galing sa 81-75 panalo kontra SanMig Coffee.
Ang hamon para kay coach Norman Black ay kung paano pupuwersahin ang kanyang mga bata na magwagi gayong wala namang nakataya para sa kanila.
Galing din sa panalo ang Rain or Shine sa huling laro nito kung saan nagpugay ang bagong import na si Devon Chism na humalili kay Alex MacLean. Dinurog ng Elasto Painters ang Meralco, 99-75.
“Malaking epekto yung you get the right type of import. Chism is going to get better. He has the quickness and the athleticism. He can play inside and outside,” ani Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao patungkol kay Chism na makakatunggali ni Richard Howell.
Si Chism ay susuportahan nina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga at Chris Tiu. Makakatapat nila sina Jayson Castro, Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier at Kelly Williams.
Ang SanMig Coffee, na nagkampeon sa Philippine Cup, ay nagwagi sa unang tatlong games nito. Subalit sinayang ng Mixers ang 16-puntos na kalamangan sa fourth quarter at naungusan ng Barako Bull, 92-90, bago natalo sa Talk ‘N Text.
Pangunahin pa ring concern ni coach Tim Cone ang pangyayaring masyadong maraming fouls ang naisasampal sa kanyang import na si James Mays.
Gayunman, inaasahan ni Cone ang pagsingasing nina James Yap, Peter June Simon, Marc Pingris, Mark Barroca at Joe DeVance mamaya.
Ang Air21 ay may 3-3 record din matapos na talunin ang Barangay Ginebra, 97-85. Nagpugay laban sa Gin Kings ang bagong import na si Wesley Witherspoon na tinulungan nina Paul Asi Taulava, Mark Cardona, Joseph Yeo at Aldrech Ramos.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.