Hardin ng katiwalian | Bandera

Hardin ng katiwalian

Lito Bautista - April 07, 2014 - 03:29 AM

SI Lacierda (kahit hindi na banggitin ang pangalan ay kilala naman siya, lalo na ni Joker Arroyo, he-he-he) ay presidential spokesman, tagapagsalita ng pangulo, ng Ikalawang Aquino, na anak nina Ninoy at Cory, siyempre. Bilang tagapagsalita ng pangulo, hindi siya dapat humuhugot sa kanyang puso, damdamin, isip, guni-guni at gawa ng sasabihin sa media dahil ang kanyang sinabi ay isisiwalat ng mga mamahayag, lalo na sa pahayagan, ang bugbog at lugmok na sektor sa libelo; ang pinakamadaling kaso para gipitin at sikilin ang pamamahayag, ang damdamin ng nagugutom, ang hinaing ng api at ang panalangin ng aba.
Marahil, ang hindi alam ni Lacierda, o hindi niya naaalala dahil, kahit na pahapyaw habang nagpapaantok sa malambot na higaan (matigas at masakit sa gulugod ang papag o sahig na higaan ng arawang obrero, ng taumbayan, na nagppapasuweldo sa kanya) ay wala pang pangulo sa Estados Unidos at Pilipinas (at kahit na sa China, ang paboritong bansa ng mga komunista sa Senado at Kamara ngayon) na mababasa sa kasaysayan na nangakong ibibigay niya ang hardin ng rosas sa boboto sa kanya habang nangangampanya.  Pero, ito mismo ang sinabi ni Lacierda.  “We have never promised a rose garden,” aniya.  Baka naman, ang sabihin ni Lacierda ay gumamit lamang siya ng pabalat-bunga, o figure of speech, tulad ng depensa ni Beltran sa libelo ni Cory.  Pero, ang hardin ng rosas ay hardin ng rosas, at kapag iyan ay binanggit sa presidential campaign, ay baliw ang tumatakbo pagka presidente.
Bilang tulong sa balik-nakalipas at alaala ni Lacierda, ang kampanya noon ng amo niya ay “tuwid na daan” at “kung walang korap, walang mahirap.”  Ang “tuwid na daan” ay ang boss ni Lacierda at ang korap ay si Gloria Arroyo, hindi sina Lee, Vitangcol, Torres, Tupas, Quimbo, Biazon, atbp.  Walang sinabi ang kapatid ni Kris, na nasa last-two minutes na ng basketball, ang kinahuhumalingan ng Senate yellow ribbon committee, na hardin, at wala ring ipinangakong hardin ng rosas, kahit na hardin ng katuray at otot-otot (sa Western Visayas).
Aha! Ang tinutukoy pala ni Lacierda ay ang araw-araw at gabi-gabing parusa sa mga pasahero sa MRT at LRT.  Teka.  Puwedeng mamigay ng rosas sa mga pasahero ng MRT at LRT, tulad ng ginagawa ng mga epal kapag sumasapit ang Valentine’s Day.  Pero, ang ipangako na sila’y nasa hardin ay salita ng baliw.  Kahit ang mandarambong na si Erap ay hindi nangako ng hardin at ang kanyang sinabi lamang ay si “Erap para sa mahirap.”  Si Marcos ay “This nation shall be great again.” Si Magsaysay ay walang pangako kundi ang nagsalita raw ay ang taumbayan: Magsaysay is my guy.  Wala na ngang rosas ay wala pa ring hardin; malinaw iyan Lacierda.  Mahirap paniwalaan na ipinangako nga ni Aquino ang hardin at rosas; at ang hardin ng rosas dahil hindi naman niya ito isinigaw noong kampanya.
Mainit na nga ang MRT.  Hindi dahil sa libu-libong pasahero ang nabibilad sa araw at pinagpapawisan sa kahihintay na makaakyat para makabili ng tiket nang sa gayon ay makasakay na nga sa tren at makarating nang mabilis sa paroroonan.  Mainit na nga ang MRT dahil sukol na pusa na ito bunsod ng di mapasusubaliang paggigiit ng ambassador hinggil sa umano’y $30-million shakedown.  Naks naman.  Ingles iyan.  Pero, para sa arawang obrero at taumbayan, ito ang patuloy na katiwalian sa dilaw na gobyerno.  Sukol na nga ang pusa kaya ang sabi ni Lacierda ay guni-guni lamang na protektado ng Malacanang si Vitangcol dahil lilinaw na raw kapag inimbestigahan na ito ng National Bureau of Investigation.  Iniutos na raw ni Aquino na imbestigahan si Vitangcol.  Ang tagal naman.  Sinibak ni De Lima sina Esmeralda at Lasala sa NBI dahil sa kutob niya’y may iregularidad ang mga ito.  Sa kaso ni Vitangcol, itinuturo na siya mismo ng ambassador na tuwirang sangkot sa shakedown.  Si Vitangcol na malapit daw kina Roxas at Abaya.
Kung gayon ay malakas nga si Vitangcol, na pinasusuweldo ng arawang obrero, ng taumbayan. At si Lacierda mismo ang kumontra na mag-leave si Vitangcol.  Teka.  Kung malakas si Vitangcol, bakit sinabi ni Lacierda na di siya tiyak kung kilalang personal ni Aquino ang nasa ihawan ngayon?
Mahirap na namang ipaliwanag ito sa pitong lasing ng Batangas at mas lalong lumabo pa ito sa sabaw ng pusit.  Pinaglalalangan na naman ba ang taumbayan o, tulad ng dati, sa umpisa ng panunungkulan sa 2010, ay isinasakay na naman sa tsubibo ang lahat ng boss ng pangulo.  Walang tandang pananong diyan.  Iyan ay deklarasyon mismo ng taumbayan, na hindi nangangailangan, at hindi naghihintay, ng kasagutan.  Para kay Josef Rychtar, tapos na ang kuwento; matagal nang natapos ang kanilang hapunan, ang patuloy na usapan at nanindigan ito sa akusasyon laban kay Vitangcol.  Ang mabigat na idinagdag ni Rychtar kontra kay Vitangkol: protektado ito ng matataas na opisyal ng gobyerno.  Patuloy na ikinakaila ni Vitangcol ang mga alegasyon, ang mga akusasyon, ang personal na opinyon sa kanya ng ambassador.
Maselang ang nakaatang sa balikat ni NBI Director Virgilio Mendez.  Pero, malinaw ang pasakalye niya.  Aalamin lamang kung sino ang nagsasabi ng totoo. Ha?!  Aalamin lamang kung sino ang nagsasabi ng totoo?  Matagal nang nasangkot sa kasinungalingan at pagtatakip ang NBI.  Alam iyan ng mga batikan at beteranong reporter na kumober sa NBI.  Minsan nga ay nagsinungaling ang isang dating direktor nito.  At para mapabalik niya sa presscon ang mga reporter ay naghanda pa siya ng hamburger.  Na hindi kinain ng mga reporter.
Naman, naman.  Bakit tayo nagkakaganito sa hardin ng
katiwalian?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending