MASUSUBUKANG muli ang Gilas Pilipinas national basketball squad sa pagkikita nila ng PBA All-Star Selection sa annual PBA All-Star Game mamayang alas-5 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang pagtatagpong ito ang highlight ng 2014 PBA All-Star Weekend na nag-umpisa noong Biyernes. Ginagabayan ni coach Vincent “Chot” Reyes, ang Nationals ay naghahanda para sa FIBA World Cup na gaganapin sa Spain sa Setyembre.
Pagkatapos ng dalawang linggo ay tutulak ang Gilas Pilipinas sa Korea para naman sa Asian Games basketball competition.
Napamahal ang Gilas Pilipinas sa mga Pinoy nang sumegunda ito sa FIBA Asia Men’s Championship na ginanap din sa MOA Arena noong nakaraang Agosto.
Dahil sa pagsegunda ay nakamit nito ang karapatang lumahok sa world championship. Ang Gilas Pilipinas ay pinangungunahan ni Jason Castro na naging miyembro ng Mythical Five ng FIBA Asia meet. Kasama ni Castro sina Jimmy Alapag, Larry Fonacier, Ranidel de Ocampo, Gabe Norwood, Jeff Chan, Gary David, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Marc Pingris, June Mar Fajardo, Marcus Douthit at Beau Belga.
Idinagdag ni Reyes sa aspirants pool sina Jared Dillinger at Paul Lee. Makakatunggali nila ang PBA All-Stars na ibinoto ng mga fans. Starters ng All-Stars sina James Yap at Mark Barroca ng San Mig Coffee at Gregory Slaughter, Chrs Ellis at Mac Baracael ng Barangay Ginebra San Miguel.
Kabilang din sa koponan sina Calvin Abueva, Marcio Lassiter, Arwind Santos, Joaquim Thoss, Joe Calvin Devance, Niño Canaleta at Peter June Simon. Noong Biyernes ay ginanap ang Skills Competition pati na rin ang Legends Game sa MOA Arena.
Tinapos ni Barroca ang limang taong paghahari ni Jonas Villanueva sa Obstacle Challenge. Binawi naman ng three-time champion na si Mark Macapagal ang korona buhat kay Chris Tiu sa Three-Point Shootout.
Nagsosyo naman sa karangalan bilang Slam Dunk kings sina Rey Guevarra at Justin Melton. Pinarangalan si Guevarra bilang Most Valuable Player ng Legends game nang gumawa siya ng 34 puntos sa 136-all pagtatabla ng PBA Stalwarts at PBA Greats.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.