BUONG bansa, luksang katarungan. Ipinakita ng bayang hudikatura, na kinaaaniban ng lahat ng abogado, maliban sa Malacanang, ang pagtutol at pagkondena sa pambabarako sa Korte Suprema. Nagkataon lang na ang punong mahistrado ay na-impeach simbilis ng bala. Nagsuot ng itim na armband at naglaylay ng itim na laso ang mga abogado bilang pakikiisa sa seryosong panghihimasok na may kasamang banta't pananakot sa mga mahistrado at mga huwes ng mabababang hukuman. "Chilling effect," kung tawagin ng paring si Joaquin Bernas ang nagaganap ngayon sa mataas na hukuman. Ano ang epekto nito sa mahihirap at mangmang? Kapag lumala ang tunggalian ng Ikalawang Aquino at Korte Suprema, maaapektuhan ang pag-usad ng hustisya, tulad ng nangyari sa Pakista. Mahigit sanlinggong tumigil ang hustisya sa Pakistan nang tanggalin ni Pervez Musharraf ang punong mahistra. Ibinalik lamang ang sinibak nang lumabas sa kalye ang mga huwes at abogado. Kapag lumala ang tunggalian, magtatagal ang mga nakabimbing walang kasalanan, di na ilalatag ang hustisya sa ilalim ng pillars of justice at di malayong ilalagay na sa kamay ang batas ng api. Pero, ang nangyayari ngayon ay maaari ring pagbubukas ng isipan ng balana na kailangan nang linisin ang hanay ng hudikatura. Alinman sa dalawa, kailangang may hustisya. All-out justice ITO ba ang sinasabing "all-out justice" sa ilalim ng matuwid na daan? Ang litisin ng korte militar ang apat na senior Army officers dahil patraydor na pinatay ang 19 na elite Army troops ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front sa Al-Barka, Basilan noong Okt. 18? Dapat bang litisin ang apat na opisyal sa paglabag sa Article of War 97, o conduct prejudicial to good order and military discipline, pagkatapos dukutin ng MILF ang nakubkob na ilang kawal at pagkaraka'y pinatay din? Kailangang bang litisin ng korte militar ang mga opisyal dahil sa "criminal negligence under Article 365 of the Revised Penal Code?" dahil tumutupad lamang ito sa paghahain ng mandamyento de aresto bilang kautusan ng hukuman? Kailangan bang mamayani ang katraydoran ng kaaway at bigyan pa ng salapi ang pumapatay ng kawal ng bayan ng patalikod?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.