Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Air21 vs Alaska
IPINAKITA ng Talk ‘N Text ang katatagan sa huling yugto matapos padapain ang Barako Bull, 101-96, sa kanilang 2014 PBA Commissioner’s Cup game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Bagamat nahirapang maiwanan ang Energy sa naunang tatlong yugto, nakahanap ng butas ang Tropang Texters sa kaagahan ng ikaapat na yugto para makuha ang kalamangan at iuwi ang league-best 4-0 kartada.
“It feels good to get off to a good start. Like I said before, it’s important for us to get ahead and not play catch up,” sabi ni Talk ‘N Text head coach Norman Black.
“This game, we struggled because they were zoning our pick and rolls. It was hard to execute against it,” sabi pa ni Black. “In the second half, execution was much better. A better job on Dollard in the second half.”
Naghulog ng tatlong free throws si KG Cañaleta habang nakaiskor ng basket si Richard Howell para ibigay sa Talk ‘N Text ang 74-71 bentahe na nagawang palawigin ng Tropang Texters sa walong puntos sa kalagitnaan ng ikaapat yugto.
Subalit nagawang makadikit ng Barako Bull sa pamumuno ni Joshua Dollard sa dalawang puntos, 88-86, may dalawang minuto ang nalalabi bago tumira ng tres si Larry Fonacier para makalayo ang Talk ‘N Text.
Si Jason Castro ay gumawa ng 25 puntos para sa Talk ‘N Text habang nag-ambag si Howell ng 23 puntos. Si Cañaleta ay nagdagdag ng 18 puntos, si Fonacier ay may 16 puntos at si Ranidel de Ocampo ay may 11 puntos para sa Tropang Texters.
Nagtala naman si Dollard ng 33 puntos para pamunuan ang Barako Bull na nahulog sa 1-3 karta. Samantala, ipagpapatuloy ng Air21 ng pag-akyat sa team standings sa sagupaan nila ng sumasadsad na defending champion Alaska Milk mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pangunguna ng import na si Herve Lamizana ay tinambakan ng Express ang Barako Bull, 103-85, noong Biyernes para sa ikalawang panalo sa tatlong laro. Ang Express ay nagwagi kontra Globalport, 83-78, subalit natalo sa Talk ‘N Text, 95-91.
“Herve showed us a different facet in his game as he shone on defense,” ani Air21 coach Franz Pumaren patungkol sa pangyayaring nilimita ni Lamizana sa 12 puntos ang Barako Bull import na si Dollard.
Bago ang larong iyon, si Dollard ay may average na 44.5 puntos. Umaasa si Pumaren na malilimita rin ni Lamizana si Rob Dozier ng Alaska Milk. Si Dozier ang Best Import ng conference na ito noong nakaraang season.
Ang Aces ay nasa ikasiyam na puwesto sa record na 1-3. Sinimulan ng Aces ang kampanya nila sa pamamagitan ng 85-72 pagkatalo sa Talk ‘N Text. Nakabawi sila nang tambakan nila ang Globalport, 93-77.
Subalit matapos iyon ay nakalasap sila ng dalawang sunod na kabiguan buhat sa Meralco (85-76) at Rain or Shine (92-78).
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.