Bulls, Thunder dinurog ang Rockets, Lakers
CHICAGO — Kinamada ni Mike Dunleavy ang lahat ng kanyang 21 puntos sa second half habang muntik namang makagawa si Joakim Noah ng triple-double para sa Chicago Bulls na tinambakan ang Houston Rockets, 111-87, sa kanilang NBA game kahapon.
Nagtapos si Noah na may 13 puntos, 10 rebounds at siyam na assists sa 34 minutong paglalaro. Patungo na sana siya sa pagtala ng kanyang ikaapat na triple-double ngayong season subalit pinaupo na siya may tatlong minuto ang nalalabi sa laro dahil natambakan na nila ang kalaban.
Si Kirk Hinrich ay nag-ambag ng 19 puntos, si Carlos Boozer ay nagdagdag ng 18 puntos habang sina D.J. Augustin at Jimmy Butler ay may 13 at 11 puntos para sa Chicago.
Ang Bulls ay umangat naman sa 2-2 karta sa kanilang six-game home stand. Nalasap naman ang Rockets ang ikalawang sunod na pagkatalo. Si reserve guard Jeremy Lin ang nanguna para sa Houston sa itinalang 21 puntos habang si Dwight Howard ay nag-ambag ng 12 puntos at 10 rebounds.
Si James Harden ay nakagawa lamang ng walong puntos mula sa 2-for-7 shooting.
Thunder 131, L.A. Lakers 102
Sa Oklahoma City, gumawa sina Russell Westbrook at Kevin Durant ng tig-29 puntos para sa Oklahoma City na nakaganti sa pagkatalong ipinalasap ng Los Angeles Lakers noong Lunes.
Si Westbrook ay tumira ng 9 of 17 shots at nagbigay ng siyam na assists para sa Thunder.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.