‘Maraming salamat Gawad Tanglaw sa muling pagtitiwala!’
Bukod sa pagpapahalagang ipinagkatiwala ng Gawad Tanglaw sa Showbiz Police bilang Best Showbiz Oriented Talk Show ay may personal na pasasalamat din kaming gustong itawid sa grupong binubuo ng mga guro at propesor sa kanilang
ikalabingdalawang taon ng pamamahagi ng parangal sa mga angat na personalidad sa mundo ng pelikula, telebisyon at panulat.
Ang TV5 ay masuwerteng naambunan ng mga parangal mula sa Gawad Tanglaw na matagumpay na ginanap sa Colegio de San Juan de Letran sa Calamba, Laguna nu’ng nakaraang Miyerkoles.
Tinanggap nina Paolo Bediones at Cheryl Cosim ang kanilang parangal bilang pinakamahusay na news anchor, nakuha naman ng Reaksyon ni Ms. Luchi Cruz Valdes ang tropeo para sa kanyang programa, ang Tropa Mo ‘Ko Unli ang tinanghal na Best Comedy/Gag Show at ang Showbiz Police nga.
Maraming-maraming salamat sa Gawad Tanglaw sa pamumuno ni Teacher Norman Llaguno sa mainspirasyong pagpapahalaga sa mga programa ng TV5, dagdag na init ang handog ng mga parangal na ito sa patuloy na pakikipagsabayan ng network sa ibang istasyon, ang aming pasasalamat.
Gusto na rin naming ipaabot sa Gawad Tanglaw ang personal naming pasasalamat sa kanilang tiwala sa aming munting kapasidad bilang manunulat.
Sa ikatlong taon ay muli nilang ipinagkatiwala sa amin ang parangal bilang Best Filipino Newspaper Columnist para sa dalawang pahayagang pinagsusulatan namin at ang kolum namin dito sa BANDERA (Chika!) ang isa.
Ito ang una naming pagibig, kapag humaharap na kami sa makinilya ay may kung anong kasiyahan kaming nararamdaman na hindi kayang tumbasan ng kahit ano, maraming salamat sa Gawad Tanglaw sa pagkilala sa hanay ng mga manunulat-kolumnista sa kabuuan. Maraming-maraming salamat po at mabuhay ang Gawad Tanglaw!
( Phpto credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.