HINDI ga-graduate ngayong buwan at pinadi-dismiss pa sa Philippine Military Academy (PMA) si Aldrin Jeff Cudia, ang kadeteng naakusahan ng pagsisinungaling matapos mahuli sa klase.
“Yes, he (Cudia) is being recommended for dismissal from the cadet corps of the Armed Forces of the Philippines,” sabi ni AFP spokesman Maj. Gen. Domingo Tutaan sa isang pulong-balitaan kahapon.
Nakatakdang isagawa ang graduation ng PMA sa Marso 16. Ibinigay ni Tutaan ang pahayag matapos iulat ng PMA sa AFP ang resulta ng pag-review sa kaso ni Cudia.
Ayon kay Tutaan, pinagtibay ng Cadet Review and Appeals Board ng PMA ang naunang pasya ng “honor committee” ng mga kadeta na i-dismiss si Cudia dahil wala itong nakitang mali sa procedures.
Unang pinagtibay ni dating PMA superintendent Vice Admiral Edgar Abogado ang pasya ng honor comittee, ngunit pina-review ni AFP chief Gen. Emmanuel Bautista matapos kumalat sa social networking websites at media ang kaso ni Cudia.
Ang bagong PMA superintendent na si Maj. Gen. Oscar Lopez na ang nagpatibay sa rekomendasyong sibakin si Cudia, ani Tutaan.
Matatandaan na pinatawan ng kaparusahan ng honor committee si Cudia para sa umano’y pagsisinungaling nang mahuli ng dalawang minuto sa isa niyang klase.
Ang naturang komite – na binubuo din ng mga kadete – ang nagpapatupad sa “honor code” ng PMA na nagbabawal sa mga kadeteng magsinungaling, magnakaw, at hayaan ang iba na gumawa ng ganito.
Magtatapos sana si Cudia bilang pangalawa sa may pinakamtaas na grado. Siya rin sana ang hihiranging pinakamataas na papasok sa Philippine Navy.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.