KAHIT pa sabihing bumagal na at nagkaka-edad si Ali Peek, kahit paano’y malaking bagay pa rin ang naibibigay niya tuwing ipinapasok siya sa laro ni Talk ‘N Text coach Norman Black.
Hindi na ganoong kahaba ang kanyang playing time subalit maituturing na quality minutes ang kanyang exposure. Kaya nga kahit paano ay mayroong mga nabigla nang ianunsiyo niya ang kanyang pagreretiro pagkatapos ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup kung saan nabigo ang Tropang Texters na maidepensa ang kanilang korona.
“Is there no more basketball juice left in your system? Or do you really just want to quit while you’re ahead?” tanong ko sa kanya sa isang maikling press conference sa media room noong Linggo.
Aniya, matagal na niyang napag-isipan ang pagreretiro. Sinabi niya na may mga players na naghahangad na maglaro pa hanggang sa hindi na nila talaga kaya. Hindi siya ganoon.
Ang totoo, para daw naging senyales sa kanya ang pagdating ni Norman Black bilang head coach ng Talk ‘N Text noong nakaraang season.
Matapos na maihatid sa limang sunud-sunod na kampeonato ang Ateneo Blue Eagles sa UAAP ay nagbalik si Black sa PBA. Hinalinhan niya bilang head coach ng Tropang Texters si Chot Reyes na nag-decide na mag-concentrate sa Smart Gilas Pilipinas.
Maganda naman ang naging unang conference ni Black bilang Talk ‘N Text head coach dahil nagkampeon kaagad ang Tropang Texters sa Philippine Cup.
Iyon ang ikatlong sunod na pagkakataong nagwagi ang koponan sa Philippine Cup na isang record sa PBA. At naging bahagi nga si Peek ng kampeonatong iyon.
Iyon ang huli niyang titulo sa PBA. Pero naglaro pa siya ng tatlong conferences bago nagretiro. “It looked like the opportune time for me to retire,” ani Peek na unang naglaro sa ilalim ni Black matapos na kunin bilang No. 3 pick overall sa 1998 PBA Draft ng Pop Cola.
“I even played one game with Norman. I was 23 and he was 39,” ani Peek. Ito ay nang walang makuhang import ang Pop Cola at nagbalik sa paglalaro si Black ng isang game habang hinihintay ang kapalit.
So, naging playing coach din si Black ha! Apat na conferences din silang nagkasama sa Pop Cola ng Concepcion franchise bago naghiwalay.
Buhat sa Pop Cola, si Peek ay napunta sa Alaska Milk, Coca-Cola, Text ‘N Text at Sta. Lucia Realty. Nagbalik na lang siya sa Talk ‘N Text nang umayaw na sa PBA ang Realtors at kunin ng Meralco ang kanilang prangkisa.
Magugunitang si Peek ay napunta sa Talk ‘N Text buhat sa Coca-Cola sa pamamagitan ng isang blockbuster trade na kinabibilagan din ni Paul Asi Taulava.
Actually, mas naging pabor sa Talk ‘N Text ang trade dahil mula noon ay nagkasunud-sunod ang kampeonato ng Tropang Texters. Sa kabilang dako, hindi na nakatikim ng kampeonato si Taulava buhat nang malipat. Buhat sa Coca-Cola ay napunta siya sa Meralco at ngayon ay nasa Air21 siya.
Sa kanyang pagreretiro, si Peek ay mananatili sa kumpanya ni Manny V. Pangilinan. Baka maging permanenteng bahagi siya ng broadcast team ng TV5. Puwede ring sa ibang puwesto siya mailagay.
Anu’t anuman, satisfied at kuntento na si Peek sa kanyang naging PBA career. Wala na siyang hahanapin pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.