WALA daw itong si Technology Resource Center director general Dennis Cunanan sa pork barrel fund na napunta sa mga bogus non government organization ni Janet Lim Napoles.
Hindi rin daw siya kumita rito. Kinumpirma rin niya na alam daw nina Sen. Bong Revilla, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile ang pagpunta ng kanilang Priority Development Assistance Fund sa mga NGO ni Napoles.
Tumaas ang kilay ng marami lalo at kinontra niya ang sinabi ng whistleblower na si Benhur Luy.
At dahil sa pagmamalinis nitong si Cunanan, sa halip na sumentro kina Revilla, Estrada at Enrile ang usapin ay nalipat ito sa banggaan ng salita niya at ng whistleblower na si Benhur Luy. Naging his word against Luy’s na.
At syempre, normal lamang siguro, sabihin na gumuguho na ang mga testigo ng Justice department dahil hindi nagkakasundo ang kanilang mga sinasabi. Iba ang kinakanta ng isa sa kanta ng panibagong witness.
Ang tingin tuloy kay Cunanan ng iba, siya ay isang ‘trojan horse’ ipinain para sirain ang mga kaso laban sa tatlong senador.
Sabi ni Revilla hindi pa rin nawawala sa kanyang opsyon ang pagtakbo sa presidential elections sa 2016.
Si Estrada naman ay wala pang sinasabi kung tutuloy pa sa planong pagtakbo sa pagka-bise presidente.
Hindi natin alam kung tutuloy pa sila kapag naisampa na ang kasong plunder laban sa kanila.
At kung papaano sila mananalo—syempre—dahil mangangampanya sila sa loob ng kulungan o ospital.
At kung sakali bang manalo si Revilla at Jinggoy—kung sakali lang ha?—ano ba ang mangyayari?
Itutuloy pa ba ang kaso sa kanila eh sa ilalim ng Konstitusyon meron silang immunity sa mga kaso?
Kung ang sagot eh, lalabas sila dahil sa immunity, malamang nga ay tumuloy ang dalawa sa pagtakbo.
Sino nga ba naman ang gustong makulong nang walang piyansa? Nakakulong ka kahit hindi ka pa nahahatulan.
Kung mananalo, anim na taon ang hihintayin ng kanilang mga kalaban para mabuhay muli ang kaso. At malamang, wala na ring mangyari sa kaso matapos ang kanilang termino.
Papayag ba naman kayo rito?
Sabi ng misis ni Enrile na si Cristina, babaero ang kanyang mister pero hindi magnanakaw.
Ang tingin ng iba dito, nililinis na si Enrile ng kanyang misis.
Pero kung titignan natin ang 10 Utos ng Diyos, ang ikapitong utos ay ‘Thou shall not commit adultery’.
Samantalang ang pagbabawal sa pagnanakaw ay ikawalo.
Ngayon, ano kaya ang mas matimbang na kasalanan, pangangalunya o pagnanakaw?
Maraming umiiyak na kongresista, hindi na kasi nila alam kung saan lalapit para magkaroon ng pondo ng kanilang distrito.
Wala na kasing pork barrel, thanks to Janet Lim Napoles, kaya problemado sila kung saan lalapit para masolusyunan ang problemang inilalapit ng kanilang mga constituents.
Ngayong halos graduation na sa mga eskuwelahan, haharap sila sa mga estudyante at magsasalita pero walang maipapangako.
Para sa komento, reaksyon at tanong, i -text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.