SA napipintong pagsisimula ng bagong kabanata sa lagdaang tiyak na magaganap sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front, isang mensahe ang malinaw na mabibigyang diin.
At ano ang mensaheng iyon? That the Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) is a failed experiment.
Pero, ang prinsipyo nga ba ng ARMM ang siyang mali o ang mga taong humawak dito?
Mula sa simula, bilang mamahayag, na-cover ko ang ARMM at huwag nawang sumama ang loob sa akin ng mga opisyal na humawak dito — na ang lahat ng pagkakataon para maging makabuluhan ang prinsipyo at konsepto ng ARMM ay hindi nangyari.
It’s not the ARMM that failed. It’s the leadership in the ARMM that failed.
Hindi ko gustong iangat si Governor Mujiv Hataman, kasalukuyang gobernador ng ARMM, pero sa maikling panahon, naipakita niya na puwedeng magkaroon ng reporma sa pamamalakad ng naturang regional government.
Talaga namang leadership issue ang naging problema sa ARMM, hindi ang mismong konsepto ng ARMM na naaayon sa Saligang Batas.
Kung ang papalit sa ARMM ay naaayon sa Saligang Batas, ibang usapan iyon, tinitiyak kong magiging mahaba pa ang legal na debate dito. Ngayon, balik sa liderato, balik kay Hataman, para lang maipakita na kung iyon ang kambiyo ng liderato, iyon ang direksiyon, iyon ang kuwento, aba’y sa panahon pala ng kanyang pamumuno sa ARMM, ang Regional Board of Investment o (RBOI-ARMM) ay nakapagpasok ng tinatayang nasa P1.45 bilyon sa unang quarter pa lamang ng 2014. Huwag nang isama sa kuwentahan ang nauna ng P2.031 bilyon of investments mula December ng 2011 hanggang December ng 2013.
Ngayon, saan mo ito ikakabit na kumpiyansa? Sa kasunduang hindi pa pormal na nalalagdaan? Sa uri ng pamamahala sa isang sistemang hindi pa napagtitibay? O sa kasalukuyang liderato sa umiiral na pang-rehiyon at otonomiyang pamamahala?
Si Hataman, ah kahit na siguro puwede niyang sabihin o ilaban na may accomplishment ang kanyang pamumuno sa ARMM, hindi niya gagawin at sasabihin na mas kailangan ng Muslim Mindanao ang nakaabang, nakaumang na uri ng pamamahala na ang ponente ay ang kasunduang pormal na lalagdaan pa lamang sa panig naman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa darating na Nobyembre, 25 taon na ang ARMM. Sa halip na patatagin at gamitin, patakbuhin sa kung saan ito inilaan, ito’y mababalewala. Nasimulan na sana, maganda na sana ang buwelo ni Hataman, ngunit ang sinasabing nabigong eksperimento, papalitan ng ano pa nga ba kundi panibago na namang eksperimento.
Para sa komento, reaksyon o tanong, i-text ang OFFCAM, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.