Kung kailan patapos na ang taon ay saka pa lumutang ang mga kontrobersiyang kinapapalooban ng mga sikat na personalidad.
At may punto ang mga tagapagmasid, parehong laglagan daw ang isyung nakahain sa publiko ngayon, inilaglag daw ni KC Concepcion si Piolo Pascual at inilaglag naman ni DJ Mo Twister si Rhian Ramos dahil “inilaglag” nito ang kanilang anak.
Pinagpipistahan pa rin ngayon ang seksuwalidad ni Piolo, pinaglalaruan siya ng mga kababayan natin, meron pang gumamit ng segment na Pinoy Henyo ng Eat Bulaga para sa paglalaro sa kasarian ni Piolo Pascual.
Nakakaloka ‘yun. Sasabihin ng isa, “Babae?” Ang sagot naman ng isa, “Puwede!” Tanong uli ng isa,
“Lalaki?” Ang sagot uli ng isa, “Puwede!” Ikatlong tanong, “Babae?” Ang sagot ng tinanong, “Oo, puwede!”
Makahulugan ang sagot ni Sharon Cuneta nang tanungin ang Megastar tungkol sa ginawang rebelasyon ng kanyang anak sa kasarian ni Piolo, ang sabi ng aktres, “Mabait pa rin talaga ang anak ko dahil nagawa niya ‘yun nang wala siyang diretsong sinasaktan.”
“Napakadali namang magsabi ng totoo, di ba? Napakadaling manira ng ibang tao, pero hindi niya ‘yun ginawa. Nandu’n pa rin ang respeto niya,” komento ni Sharon.
At napakasuwerte pa rin talaga ni Piolo dahil ang mga sangkot sa kontrobersiyang ito ay tulad din niyang Kristiyano na hindi basta-basta mapanghusga.
Masuwerte siya dahil edukado si Sharon, si KC, at ang iba pang mga tao sa kampo ng batang aktres. Alin, kung napaiba-iba lang ang mga nakasagupa niya, baka namili na siya ng planetang pagtataguan niya dahil sa sobrang kahihiyan.
Hanggang maaari ay hindi nagsasalita si Sharon, kahit si Gabby Concepcion nang tanungin ay paiwas din ang mga sagot, basta ang sinabi lang ng aktor ay kailangang magpakatatag ng dalaga ngayon.
Nakahinga na kaya nang maluwag si Piolo Pascual pagkatapos ng pagsasalita ni KC? Nakakikilos na kaya siya nang maayos ngayon?
Anooooo???
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.