PATAY ang tatlong batang magkakapatid nang lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa San Gabriel, La Union, Linggo ng gabi.
Ang mga nasawi, nasa edad 7, 4, at 3, ay pawang mga anak ng mag-asawang Estelita at Mark Gacayan, sabi ni Senior Supt. Ramon Rafael, direktor ng La Union provincial police.
Wala sa kanilang bahay ang mag-asawa nang tupukin ng apoy ang kanilang tirahan sa Brgy. Polipol dakong alas-7.
Lumabas sa imbestigasyon na ipinatawag si Mark at misis nito ng kanyang biyenan sa Brgy. Lipay alas-4:30 ng hapon para mag-usap.
Iniwan nila ang magkakapatid na walang kasamang matanda.Alas-7 ng gabi na nang makauwi ang mag-asawa at nakita na lang na nasusunog ang kanilang bahay habang nasa loob ang kanilang mga anak, ani Rafael.
Naniniwala ang mag-asawang Gacayan na nahulog ang iniwan nilang gasera kaya nagkasunog habang tulog ang kanilang mga anak, anang police official.
Madaling nasunog ang bahay ng mga Gacayan dahil gawa lang sa “light materials.” Nasa paanan ito ng isang burol na 300 metro ang layo sa kalsada at 150 metro ang layo sa pinakamalapit na kapitbahay, ani Rafael.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.