NAPAGTAGUMPAYAN ng NLEX ang hinangad na makatikim ng titulo uli nang kalusin ang Big Chill, 88-70, sa Game Two ng PBA D-League Aspirants’ Cup best-of-three finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Walang naisagot ang Superchargers nang rumagasa ang mga puntos sa Road Warriors sa ikatlong yugto para iwanan sila, 72-52, papasok sa huling yugto.
Si Jake Pascual ang nanguna sa magarang panalo ng Road Warriors sa kanyang 17 puntos at 15 rebounds at siyam rito ay kinamada niya sa ikatlong yugto na dinomina ng NLEX, 31-13.
Bago ito ay dikitan ang labanan sa first half at angat lamang ang NLEX ng dalawa, 41-39, sa halftime. “Jake has been our driving force when we made that big run in the third quarter.
He has improved a lot since he joined Gilas last year and I thought he made the difference in this game,” wika ni NLEX coach Boyet Fernandez.
Ang 6-foot-8 center na si Ola Adeogun ay naghatid pa ng 12 puntos at 10 rebounds habang si Garvo Lanete ay nag-ambag pa ng 10 puntos.
Ito ang ikalimang titulo ng NLEX sa liga at nakabangon na sila buhat sa pagkakatalo sa Blackwater Sports sa Foundation Cup.
“We vowed to come back strong this conference and the player didn’t disappoint the management and our fans.
I’m so proud of them,” dagdag ni Fernandez. Binuksan ng NLEX ang ikatlong yugto sa pamamagitan ng 11-0 bomba para palawigin ang kalamangan sa 13 puntos, 42-39.
Nagtulong sina Dexter Maiquez at Jeckster Apinan na ilapit ang Superchargers sa pito, 47-54, pero gumulong uli ang Road Warriors sa 18-5 palitan para lumamang ng 20 puntos.
Hindi na nakabangon pa ang Big Chill dahil kinulang uli ng mapagkukunang puntos ang koponan tungo sa ikalawang puwestong pagtatapos.
May 18 puntos si Maiquez habang 10 ang hatid pa ni Apinan pero wala ng ibang kakampi ang nasa doble pigurang iskor para hindi makaisa sa best-of-three series ang bataan ni Big Chill coach Robert Sison.
The scores:
NLEX 88 – J. Pacual 17, Adeogun 12, Lanete 10, Dela Cruz 9, Ganuelas 8, Alas 8, Dela Rosa 7, R. Pascual 7, K. Pascual 4, Long 3, Hermida 3, Raymundo 0
BIG CHILL 70 – Maiquez 18, Apinan 10, Baloria 9, Heruela 9, Cervantes 5, Mirza 5, Belleza 5, Brondial 5, Lozada 3, Canlas 1, Villahermosa 0, Santos 0, Miranda 0
Quarters: 21-22, 41-39, 72-52, 88-70
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.