PITONG hinihinalang drug dealer ang napatay habang 36 iba pa, kabilang ang isang South Korean, ang dinakip sa
operasyon kontra-droga sa Davao City.
Ayon sa ulat, sinalakay ng mga pulis ang Muslim Village sa Brgy. Ilang kahapon ng umaga. Anim sa mga nasawi ay kinilalang sina Dark Abdul Nawang, Ronel Morque, Jainal Solani, Musa Sailamay, Faizal Albani, at Wahib Sailili. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang napatay.
“They put up a fight and were killed in the process,” ani Mayor Rodrigo Duterte nang tanungin kung paano napatay ang pito.
Ayon kay Duterte, ang pagsalakay ay isinagawa ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency-Southern Mindanao, Criminal Investigation and Detection Group, at ang Davao City Police Office bilang bahagi ng kampanya ng siyudad laban sa droga.
Isinagawa ang raid makaraang mag-alok ng pabuya si Duterte sa mga magbibigay ng impormasyon ukol sa mga drug dealer sa siyudad.
Kamakailan ay sinabi ni Duterte na maaaring nakapasok ang iligal na droga sa siyudad kasama ang mga ipinuslit na bigas mula sa mga bansang kalapit ng Pilipinas.
Matagal nang inaakusahan si Duterte na nasa likod ng mga extrajudicial killings sa Davao City, na kanya namang itinanggi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.