ITO ay bilang tugon sa hinaing ng tatlong obrero na personal na dumulog sa Aksyon Line at inireklamo ang ilang paglabag na isinakatuparan ng kanilang kumpanya.
Isa sa kanilang reklamo ay ang hindi pagbibigay ng 13th month pay noong nakaraang taon. Malinaw na may paglabag ang kumpanya dahil dapat naibigay ang 13th month pay on or before Dec. 24 noong nakaraang taon, ayon na rin sa ipinatutupad ng batas.
Dahil sa Pasay ang address ng kumpanya, maaari kayong magpunta sa DOLE field office sa Buendia, Makati at mag file ng request for assistance at doon at may single entry approach officer na didinig ng inyong reklamo.
Kinakailangan pormal na maireklamo sa DOLE ang kompanyang ito para masingil at maibigay ang nararapat na sa inyo. “Double indemnity” na yan o ibig sabihin ay doble na ang dapat ibayad sa inyo ng inyong employer.
Ipatatawag ng DOLE ang inyong employer at oobligahin itong ibigay ang inyong 13th month pay dahil karapatan ng mga mangagawa na matanggap ang naturang benepisyo.
Kung ang isang kumpanya ay hindi nagpapasweldo ng tama at hindi ibinibigay ang karampatang benepisyo para sa kanilang empleyado, wala silang karapatan o walang puwang sa kanila ang pagnenegosyo dito sa ating bansa.
Pero sa pahayag ninyo na kumikita naman at hindi nalulugi ang inyong kumpanya, mas lalong walang dahilan para hindi ibigay ang inyong benepisyo. Malinaw din na may paglabag ang inyong employer dito.
Sa kaso naman ng suspension, sa pagpunta sa DOLE office, idulog na rin ito sa inyong ihahaing reklamo. Hihingan ng paliwanag ang inyong kumpanya hinggil sa pagpapataw ng mabigat na kaparusahan kahi sa simpleng kadahilanan lamang.
Dalhin din ang company rules and regulations na ibinigay sa inyo kung meron man.
Kung ito ay iniabot lang na nakasulat sa wikang English, pero hindi ipinaliwanag sa inyo sa Filipino, ay may paglabag na naman ito.
Sa inyo namang pangamba na posibleng mapag-initan kayo ng inyong employer at mawalan ng trabaho sa sandaling isapormal ang pagrereklamo laban sa kanila, hindi kayo dapat matakot dahil wala naman ganoong batas na madidismis kayo sa trabaho dahil isinumbong ang balasubas na employer. Walang sa Labor Code na nagbabawal na kapag nagsumbong ka ay mawawalan ka ng trabaho
Hindi kayo dapat mangamba dahil hindi naman kayo nagnanakaw o gumagawa ng krimen. Mas maganda na kayo ay lumutang at ipabatid ang mga paglabag ng inyong employer dahil magsisilbi etong babala at maitutuwid ang kanilang kamalian.
Sumasainyo,
Nicon Fameronag
DOLE
Director for
Communications
vvv
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa [email protected] or [email protected] Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!t
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.