Bakas ang mga impluwensya ng China sa Pilipinas dahil bago pa man dumaong ang mga Kastila sa ating dalampasigan ay masigla na ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa. Banaag ito lalung-lalo na sa pagkain. Lumpia, pancit, at chop suey ang ilan lamang sa mga lutuing-Tsino na itinuturing na natin na sariling-atin.
May isang katangi-tanging restaurant sa Cavite City na swak sa aking panlasa kahit noong bata pa ako. Ito ay ang Chefoo Restaurant na itinatag ni Chin Ping noong 1945.
Nang dumating si Chin Ping sa Cavite City mula sa Hong Kong, ang tangi lamang niyang bitbit ay ang husay sa pagluluto ng kulinaryang Tsina.
Ito ang ginamit niya upang makatulong sa muling pagbuhay sa ekonomiya ng lungsod, na isa sa pinakanawasak na lugar sa Pilipinas noong World War II.
Noong dekada 60 at 70 ay naging isa sa pangunahing restaurant sa Cavite City ang Chefoo. Maging mga taga-Maynila ay dinadayo ito upang matikman ang alay na kakaibang lutuing.
Pinasikat ng Chefoo ang mga putaheng tulad ng Menudencia con Casuy, Pat Po Tong, Camaron Rellenado, Ho To Tay con Caldo, Gallina Frita de Shanghai, Moroquieta Tostada, at Bola-bola Agriodulce na inahain nang “family style”.
Pero bakit tila mga pinaghalong pangalan Tsino at Kastila ang mga ito? Dahil noong unang panahon daw, higit na maiintindihan ng mga Chabacano Caviteño ang mga pangalan ng ulam kung ito ay nasa wikang pinaghalong Kastila at Tsino.
Hindi kumpleto ang linggo ng mga Caviteño kung hindi sila nakakain sa Chefoo. At dahil isang institusyon na ito, dito na rin ginaganap ang mga mahahalagang pagdiriwang ng mga Caviteño tulad ng kasal, binyag at kaarawan.
Isama mo pa ang graduation at despedida party! Kamakailan ay binuhay ng Chefoo ang Comida Tsina. Ito ay isang uri ng “value meal” na sa halagang P200 ay makakakain ka na ng masarap na tanghalian o hapunan.
Hindi na bago ang Comida Tsina sa karamihan ng mga taga-Cavite at Maynila, dahil noong araw pa ay ginagawa na ito sa mga kainan sa Binondo, kung saan matatagpuan ang Chinatown.
Sa Chefoo, ang iyong P200 ay may katumbas na malaking plato na may Gallina Frita (Fried Chicken), Pancit Canton, Lumpiang Shanghai, Morosquieta Tostada (Yang Chow Fried Rice) at Nido Soup.
Hindi lamang iyon, mayroon pa silang isa pang klaseng Comida Tsina na tinatawag na Sanchez Style. Ayon kay Jerome Chin, apo ni Chin Ping, nagsimula ang Sanchez Style mula sa isang parokyano.
Ayon sa kwento ng kanyang lolo, mahilig kumain nang mag-isa ni G. Sanchez sa Chefoo. Sa isang pagbisita doon ay hindi niya naubos ang inorder na “family style” na pagkain kaya nang bumalik siya ay isang plato na may kanin, karne/ manok, gulay at isang tasa ng sopas ang kanyang hiniling.
Hindi naman ito ipinagkait ni Chin Ping. Naging pirmihan ito sa kanilang menu nang matagal na panahon. Pero sa binagong Sanchez Style ay pwedeng pumili ng iba’t ibang ulam na “si-log” style.
Ibig sabihin, maaaring ternuhan ang sinangag at pritong itlog ng isa sa mga ito: Beef with Onion, Grilled Pork Chop, Hamburger Steak.
Nariyan din ang Chop Suey Rice, Asado Rice at Lechon Rice.
Dahil sa malasakit, tiyaga at pagpupursige ni Chin Ping ay hindi lang niya naitaguyod ang kanyang pamilya, nakapaghain din siya ng masasarap na pagkain sa mga Caviteño.
Ang Chefoo Restaurant ay matatagpuan sa 945 P. Burgos ave., Cavite City. Telepono: (046) 431-1472. Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutang isulat ang pangalan at lugar.
(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.)
Ho To Tay con Caldo
ANG Ho To Tay ay isang popular na sopas na gawa sa pinakuluang manok. Sinasangkapan ito ng wonton at mga gulay tulad ng pechay Baguio, carrots at celery. Karaniwan ay nilalagyan ito ng sariwang itlog ng manok bago ihain. Siguraduhin na mainit ang sabaw nito upang maluto ang itlog.
Mga sangkap
Sari-saring gulay na pang-Chop Suey tulad ng carrots, pechay Baguio at celery.
Manok na nilaga at hinimay, giniling na baboy, wanton wrapper at itlog.
Paggawa ng Wanton
Gumawa muna ng giniling. Ito ay pinagsama-samang giniling na baboy, carrots, bawang at celery, na tinadtad ng pino.
Asin at paminta, ayon sa panglasa at itlog.
Ipagsama-sama ang mga sangkap at haluing mabuti. Magandang palamigin muna ito sa loob ng refrigerator ng apat na oras. Kapag handa na, kumuha ng kalahating kutsarita at bilugin nang maliliit at ibalot sa loob ng wanton wrapper.
Paikutin ang dulo ng wonton wrapper upang magsara at hindi tumapon ang laman nito. Budburan ng arina ang pagpapatungan ng mga nagawang wonton upang hindi magdikit dikit ang mga ito.
Paggawa ng Sopas
Maglaga ng manok. Ang pinaglagaan ay gagamiting sabaw. Putulin sa maliit na piraso ang nilagang manok at himayin ito.
Muling initin ang sabaw. Sa sandaling kumulo na ito, ihalo ang mga wanton, kapag ito ay lumutang, ibig sabihin, ito ay luto na. Ihalo ang mga hinimay na manok at gulay. Timplahan ng asin at paminta.
Huwag pabayaan ma-over cook ang gulay. Habang mainit pa ang sabaw, ilagay na ito sa isang serving bowl at maghulog ng sariwang itlog ng manok.
Kusa nang maluluto ito sa init ng sabaw. Haluin ng bahagya bago ihain sa mga bisita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.