Aanhin mo ang pera kung may sakit ka? | Bandera

Aanhin mo ang pera kung may sakit ka?

Ramon Tulfo - February 15, 2014 - 03:00 AM

 

NAGPALABAS ng hold departure order (HDO) laban kay Bacolod City Mayor Monico Puentevella na nahaharap sa kasong graft.

Si Puentevella ay madikit noon kay dating First Gentleman Mike Arroyo.

Nagkahiwalay sila dahil siguro sa onsehan.

Alam naman natin na madamot itong si Mike Arroyo pagdating sa pera.

Pati nga jueteng ay pinatulan ng mag-amang Mike at Mikey at ni yumaong Congressman Iggy Arroyo na kapatid ni Mike.

Di na inisip ng mga Arroyo na jueteng ang nagpabagsak kay dating Pangulong Erap.

Pero dahil sa kanilang pagiging sugapa sa pera, wala silang pakialam kung ano ang sasabihin ng taumbayan noon.

Unti-unting lumalabas ang mga kalokohan noon ni Mike Arroyo.

Si Mike ang sinasabing bagman ng kanyang esposang si Gloria.

Kunwari ay di alam ni Gloria ang pangungurakot ni Mike.

Pati ang inyong lingkod, na madikit sa mag-asawa noon, ay nalansi nila.

Ang akala ko ay
inosente si Pangulong Gloria sa mga kalokohan ni Mike.

Si Gloria pa nga ang nagsabi sa inyong lingkod, nang isumbong ko sa kanya ang smuggling activities ni Vicky Toh, na ibisto ang lahat.

Si Vicky ay kalaguyo ni Mike.

Nalaman ko lang na iisa lang pala ang bulsa nina Gloria at Mike nang ayaw akong ipagtanggol ng Pangulo sa kanyang First Gentleman matapos akong gantihan.

“Mon, napaka-estupido mo naman! Iisa lang ang bulsa niyan. Kaya ka lang ipinasulat ni Gloria tungkol kay Vicky ay dahil walang nakakaabot na pera sa kanya na kita ni Mike sa customs,” sabi ng aking kaibigan na kaibigan din ng mag-asawa.

Yun pala, napupunta ang pera na kita ni Mike sa Bureau of Customs kay Vicky Toh.

Naturalmente lang na magselos si Gloria.

Ayon sa isang report noon, si Gloria ay pangalawang most corrupt president ng bansa.

Siyempre, ang pinaka-corrupt ay si Ferdinand Marcos.

Pero, di yata pinakikinabangan ni Gloria at Mike ang mga nakurakot na pera ng taumbayan.

Si Gloria ay may malubhang karamdaman, bukod pa sa siya’y under hospital arrest dahil sa kasong plunder.

Si Mike Arroyo naman ay hindi nae-enjoy ang perang kanyang ninakaw dahil siya’y palaging nasa bingit ng kamatayan.

Dahil sa maselan na surgery sa kanya, pinagbawalan si Mike na huwag masyadong matuwa o malungkot.

Kapag daw masyadong natuwa o nalungkot si Mike ito ang magiging sanhi ng kanyang pagkatigok.

Aanhin mo ang iyong kayamanan kung ikaw ay may sakit?

Marami nang mga obispo at matataas na opisyal na dumalaw kay Gloria sa Veterans Memorial Hospital kung saan siya ay under hospital arrest dahil sa kasong plunder.

Isa na rito si dating Lingayen-Pangasinan Archbishop Oscar Cruz na masugid na kritiko ng mga Arroyo noong sila ay nasa puwesto pa.

Si Erap ay dumalaw na rin kay Gloria na kanya namang malugod na tinanggap.

Bakit ang inyong lingkod ay ayaw ni Gloria na padalawin sa kanya?

Ipinaabot ko sa dating Pangulo na ibig kong dumalaw sa kanya upang sariwain ang mga magagandang araw noong kami ay magkaibigan pa.

Ang sinabi daw ni Gloria ay ayaw niyang makita ko siya sa ganoong kalagayan.

Bakit naman?

Matagal ko nang pinatawad siya at si Mike Arroyo sa ginawang kasalanan ni Mike sa akin.

Wala akong hinanakit sa kanila.

Kung ako man ay sumusulat ng di maganda tungkol sa kanila, ako ay isang journalist at walang malisya ang ginagawa ko dahil pawang katotohanan lang ang sinusulat ko.

Kung napatawad ko na sila sa ginawa nilang kasalanan sa akin, bakit di nila ako tanggapin na bisita?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending